Sharon Cuneta makes teleserye comeback via ABS-CBN

Pormal nang inanunsiyo ng ABS-CBN at Dreamscape Entertainment ang pagbabalik ni Megastar Sharon Cuneta sa Kapamilya network para bumida sa kanyang comeback teleserye.

Nitong Huwebes, July 3, 2024, nag-post sa social media ang Dreamscape Entertainment ng mga litrato at video ni Sharon nang magpunta ito sa ABS-CBN studio sa Sgt. Esguerra Avenue corner Mother Ignacia Street, Diliman, Quezon City.

Sharon Cuneta makes teleserye comeback with ABS-CBN

Photo/s: Dreamscape Entertainment Facebook

Sinalubong siya nina ABS-CBN chief operating officer Cory Vidanes, Star Magic head Laurenti Dyogi, at Dreamscape heads Kylie Manalo-Balagtas at Rondel Lindayag.

Mababasang caption nila, “Welcome home, MEGA STAR – Ms. Sharon Cuneta! We missed you, Kapamilya!”

Sharon’s comeback after a two-year break

Bagamat wala pang ibang detalye tungkol sa gagawing teleserye ni Sharon, inamin ng Megastar na ngayon pa lamang ay nae-excite na siya sa tatakbuhin at kahahantungan ng kanyang pagbabalik-serye.

Bukod dito, excited din siya sa mga makakasama niya rito.

“It’s been excitement, joy, na-overwhelmed ako, natutuwa ako, kinikilig ako.

“I’m very, very excited to work with the people I’m going to work with.

“Yung isa, to work with again, super mahal na mahal ko. Hindi na kayo magugulat kapag nalaman niyo.

“Yung iba naman, first time kong makakasama. So, talagang patung-patong, sumasabog yung heart ko sa excitement at sa saya.

“More than anything, it’s me being back in my home station, it’s being with Kapamilya, it’s just being home,” saad ni Sharon sa panayam niya sa ABS-CBN On Cue.

Pangako pa ni Megastar sa mga tagahanga niyang naghihintay sa kanyang pagbabalik: “I promise po na I will give my best to this project.

“Lalo na since dalawang taon po akong napahinga sa TV so I’m really excited.”

Nagdesisyon daw si Sharon na panandaliang magpahinga sa pag-arte para iprayoridad ang kanyang kalusugan, lalo na noong siya ay nagka-hip injury.

Pahayag niya, “I rested, kasi I have problems with my hip, my back.

“So, for two or three months this year, the beginning of the year, medyo hindi ako puwedeng magkaroon ng activities masyado, I’m almost bedridden.’

Bagamat may mga araw na umaatake at sumasakit pa raw ito, paniniguro ni Sharon na okay na siya at handa na siya muling sumabak sa taping.

Sabi niya, “Health matters but it’s manageable now.”

Ang huling teleseryeng ginawa ni Sharon ay noon pang 2022 nang mapabilang siya sa FPJ’s Ang Probinsyano.

Bukod sa teleserye, gumawa rin siya ng pelikula noong 2023, ang Family of Two, kasama ang Kapuso actor na si Alden Richards. Ang pelikulang ito ay naging kalahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2023.

Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang inilalabas na detalye kung kailan mapapanood ang comeback teleserye ng ni Megastar at kung sinu-sino ang kanyang mga makakasama.