Netizens recount horror stories from Wattah Wattah Festival 2024

Mainit na pinag-usapan sa iba’t ibang media platforms ang katatapos lamang na Wattah Wattah Festival sa San Juan nito lamang June 24, 2024.

Maraming netizens ang naghimutok ukol sa mapait na karanasan nila sa nasabing pista.

Taunang ipinagdiriwang ito ng mga San Juaneño, na naghahanda ng kani-kanilang mga tabo, hose, timba, at maging water guns, upang gamiting pambasa sa sinumang mapapadaan sa kanilang lugar.

Ang “basaan” ay pagpupugay para sa patron saint ng lungsod na si St. John the Baptist, na siyang nagbinyag kay Jesus Christ.

Subalit ang kasiyahang ito ay nagmistulang bangungot para sa maraming commuters.

Kaya ang hirit ng iba, pista nga ba o peste na?

BROKEN GADGETS, DOUSED DOCUMENTS, AND TRAUMATIC EXPERIENCES

Kaliwa’t kanan ang nagsulputang negative comments ng netizens ukol sa Wattah Wattah Festival.

Sa isang Reddit post naglabas ng sama ng loob ang isang netizen.

Aniya, nasira ang laptop niyang worth PHP40,000 at cellphone worth PHP23,000 matapos pag-tripan ng mga “iskwater” ng San Juan ang jeep na sinasakyan niya at iba pang pasahero.

Pagbabahagi niya (published as is), “Pinigilan nila yung jeep namin. Gusto na silang banggain ng driver pero binuhusan nila bigla ng isang tabong tubig sa mukha yung driver. Buti nga hindi nya naapakan yung pedal dahil baka may mas malaking aksidente pang nangyari.”

Maging ang mga estudyanteng kasabay niya sa jeep ay wala raw nagawa kundi umiyak dahil basang-basa ang mga dala nilang university requirements—school card, good moral, diploma, at birth certificates.

Bukod pa riyan, isang bata raw ang muntik nang “malunod” dahil sa walang tigil na pambabasang ginawa sa paligid ng jeep na sinakyan nila that day.

Paglalahad niya, “May isang malaking drum na bigla nilang binuhos sa bintana kung saan nakaupo yung bata. Sigaw nang sigaw yung nanay nya pero tawa lang nang tawa yung mga basurang tao na nasa labas ng jeep.”

Sa sobrang galit sa nasabing pista, nag-wish ang netizen na sana ay maglaho na ang San Juan Festival.

Reddit Wattah Wattah experience

Sa X (dating Twitter) naman, ipinahayag ng isang netizen ang mapait na karanasan ng isang ina na kasa-kasama ang bagong opera nitong anak.

Aniya: “yung bata kasabay namin sa jeep noon bagong opera nakiusap yung nanay umiiyak na wag basain yung bata pero yung mga p*******a wala daw silang pake kasi fiesta. Sana sila sila na lang nagbasaan wag nang mandamay.”

comment Wattah Wattah festival

Hindi lang iyan, nasabuyan din ang thesis paper ng isang college student na hindi alam ang tungkol sa pista dahil galing pa raw ito sa Bataan.

comment Wattah Wattah Festival

Lahat daw ng mga nabasa ay walang nagawa kundi umiyak na lamang dahil sa labis na sama ng loob.

Isa pang user sa Reddit ang nagkuwento tungkol sa pagiging sobrang agresibo ng mga tao sa Wattah Wattah Festival.

Aniya (published as is), “Yung officemate ko naka-confine and need daw operahan kasi sa sobrang gusto silang basain, pilit binuksan ung kotse nila and binasag ung salamin. Sa kanya tumalsik yung mga basag na salamin. This f*****g tradition is getting ridiculous.”

reddit comment

Ang insidenteng ito na humantong sa pagkaka-ospital ng isang tao ay sapat daw na batayan upang i-evaluate kung dapat pang magkaroon ng basaan ang pista.

Sa tingin ng marami, walang saysay ang paniniwala kung nakakapinsala na ito sa kapwa.

LOST JOB OPPORTUNITY DUE TO WATTAH WATTAH FESTIVAL

Hindi nagtapos sa pisikal na pananakit at perwisyo ang idinulot ng Wattah Wattah Festival.

Ni-repost ng netizen na si Rod Lina sa Facebook noong June 30, 2024, ang screenshots ng mahabang post ng anonymous user na isang single mom na may tatlong anak.

Gusto nito magtrabaho abroad kaya inayos niya ang mga requirements, gaya ng passport, NBI clearance, transcript of records, at marami pang iba.

Nag-apply siya sa maraming agencies na nagpapadala ng mga workers sa Europe.

Halos isang taon ang kanyang hinintay hanggang sa makatanggap ng email para sa initial interview.

Makalipas ang isang buwan, naanyayahan siya para sa isang face-to-face employer’s interview na naka-schedule noong June 24, 2024, Pista ng San Juan.

Kuwento ng singer mom, nanghiram pa siya ng mga damit at sapatos. Bitbit din niya ang isang long brown envelope na naglalaman ng kanyang original documents na ipapasa sana niya sa agency.

Pero lahat ng ginawa niyang paghahanda ay nauwi sa wala.

Paglalahad niya (published as is), “Nagulat ako na may grupo ng mga kabataan na nasa bente katao pinaikutan ako. May hawak n mga timbang. Water gun. Tabo. Hose.

“Ilang beses ako nakiusap na WAG PO MAY INTERVIEW AKO PLEASSEEE NANGHIRAM LANG AKO NG DAMIT. Pero hndi sila nakinig. Pinasiritan ako ng tubig sa mukha mula sa hose. At di pa sila nakuntento.

“Binuhusan ako ng ilang timbang tubig. Kaya halos basang basa ako. Ung hawak ko na envelop kng nasan original requirements ko ay nabasa dn.”

Hindi na gaanong mabasa ang mga detalye sa mga dokumento dahil sa basaan.

Hindi rin siya nakarating sa interview kahit dalawang oras siyang nagbiyahe.

Nakiusap daw siya sa agency ngunit wala na raw next schedule para sa employer’s interview at considered failed na siya.

Ang masakit pa, lahat daw ng nakarating sa employer’s interview ay pumasa at for medical assessment na.

Sabi pa ng user (published as is), “Gumuho ang pangarap ko. Ang tagal ko nghintay. Walang sidlan ng saya ng makapasa ako sa initial interview.

“Pero ngaun bumagsak ang mundo ko. Napaka laking bagay po na makaka alis ako ng bansa dahil solo ko na binubuhay mga anak ko. Nakiusap ako. Nagmakaawa. Pero hindi kau nakinig. Umiyak pero nagtatawanan pa kau.”

“Happy Fiesta. Ung isang araw n fiesta ninyo isang buong pangarap ko po ang naglaho,” mapait na pagtatapos ng post.

Reddit Wattah Wattah experience

RIDER TAKES REVENGE ON BULLY SAN JUANEÑOS

Isang rider naman na in-anticipate ang mangyayaring basaan ay naghanda.

Dahil dati nang nabasa at nasaktan, nagbitbit siya ng muriatic acid at isinaboy ito.

Sa ulat ng GMA News, inaresto ang rider dahil nadamay sa kanyang paghihiganti ang isang lalaki na nasabuyan sa mata habang nanonood ng basaan.

Sinampahan siya ng reklamong physical injury pero agad ding nakalaya matapos na magpiyansa.

NO MORE CITYWIDE WATTAH WATTAH

Dahil sa pambabatikos, gumawa ng ordinansa si San Juan City Mayor Francis Zamora noong June 28, 2024, na sa isang designated area na lamang maaaring gawin ng mga residente ang mga susunod pang basaan.

Next year, mangyayari na lamang ito sa Pinaglabanan Road, mula sa N. Domingo hanggang P. Guevarra.

Humingi rin ng paumanhin ang city mayor sa lahat ng mga naperhuwisyo ng nasabing pagdiriwang at nangakong pananagutin ang sinumang mapapatunayang lumabag sa batas.

Napaulat din ang pagdulog sa opisina ni Zamora ng 21 anyos na binatang taga-San Juan na binansagang Boy Dila.

Humingi siya ng sorry matapos mag-viral ang kanyang larawan na aktong inaasar ang isang motorista. Umani raw siya ng mga batikos at banta.

Suma tutal, walang masama sa pagsasaya basta’t walang maaabala o makakasakit ng kapwa.