Bongbong Marcos, pinasalamatan ang world leaders na nagpaabot sa kanya ng pagbati

Bongbong Marcos, thankful sa mga world leaders na bumati sa kanya

Matapos ang kanyang pagsulong sa presidential race kung saan nakuha niya ang mahigit 31 milyong boto, pinasalamatan ni Bongbong Marcos ang mga world leaders na agad na nagpaabot ng kanilang pagbati sa kanya. Ilang araw matapos ang eleksyon noong Mayo 9, sunod-sunod na ang mga pagbati kay Marcos Jr.

Sa kanyang tweet noong Mayo 12, binigyang halaga niya ang mga pagbati mula sa mga pinuno sa iba’t ibang bansa. “Thank you to leaders around the world who have extended their congratulations following our country’s historic elections,” sabi niya. Dagdag pa niya, “I look forward with great enthusiasm to working with the international community as the 17th President of the Republic of the Philippines.”

Si Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr. o mas kilala bilang BBM ay isang politiko sa Pilipinas na nagsilbi bilang senador mula 2010 hanggang 2016. Siya ang pangalawang anak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at dating First Lady Imelda Romualdez Marcos.

Sa kasalukuyan, base sa unofficial count ng eleksyon noong Mayo 9, si Marcos Jr. ang nangunguna at may malaking lamang sa kanyang katunggali na si Robredo. Sa ngayon, nasa 98.35% na ang nai-transmit na resulta ng eleksyon at mahigit 31 milyon pa rin ang boto na natanggap ni Marcos Jr. Samantalang si Robredo ay may higit 14 milyong boto.

Tila malayo na ang agwat ng dalawa sa kanilang bilang ng boto, kung saan nag-concede na sina Manny Pacquiao na may mahigit 3 milyong boto at si Isko Moreno na may halos 2 milyong boto.

Sa sunod na mga araw, inaasahan na magiging mas maalwan ang transisyon sa paparating na bagong administrasyon sa pangunguna ni Marcos Jr. bilang ang susunod na pangulo ng Pilipinas.