Zaijian, Xyriel star in director Lester Dimaranan’s Guryon

Nakapitong shooting days na sina Zaijian Jaranilla at Xyriel Manabat sa pelikulang Guryon, sa direksiyon ni Lester Dimaranan.

“Masaya silang kasama. Lagi silang may idea na sine-share sa set,” sabi ni Direk Lester noong Enero 8, 2025, Miyerkules ng gabi, sa Lorenzo’s Way restaurant sa Greenbelt 5, Makati City.

Ano ba ang kuwento ng Guryon? Ang guryon ay saranggola, di ba?

“Actually ang saranggola, maliit. Iyong guryon, malaki. Noong una, Saranggola dapat ang title ng movie,” pagsisiwalat ni Direk Lester.

“Kaso siyempre kay Direk Gil Portes, bilang respeto, meron na. Kaya naisip kong Guryon na lang. “Kasi malaki, parang malaking pangarap. Ganun kasi yon, metaphor ng pangarap yung guryon.

“Na mahirap gawin, kailangang paliparin mo nang matayog. Kailangang mapanatili mo, kailangang ma-maintain mo yung lipad niya.

“Yun ang story ng Guryon. Tungkol sa paggawa ng pangarap, paggawa ng guryon.”

Noong Hunyo 1999 ipinalabas sa mga sinehan ang pelikulang Saranggola (The Kite) na tinampukan nina Ricky Davao, Lester Llansang, at Jennifer Sevilla, sa direksyon ni Gil Portes.

ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓

saranggola poster

ZAIJIAN-XYRIEL TEAMUP

Kumusta ang chemistry at dynamics nina Zaijian at Xyriel sa pelikula?

“Noong una ko silang na-meet, sa hotel, hindi ko sila kilala. Nagulat ako. Akala ko, dalawang kabataan na nakatambay sa may lobby,” lahad ni Direk Lester.

“Yun pala, silang dalawa. Tapos inaya nila akong kumain ng lugaw. May ganun silang ano. Pag gabi, kain-kain sila sa labas.

“Ganun sila, simple lang sila. OK silang katrabaho dahil lagi silang may idea na sini-share…

“Ang galing nilang katrabaho. Masaya silang kasama.”

Previous movies ni Direk Lester ang Metro Manila Film Festival (MMFF) official entries na Nelia (2021) at Mamasapano: Now It Can Be Told (2022).

Ito bang Guryon ay isasali rin sa filmfest?

“Depende sa producer natin. Pero kung ako ang masusunod, gusto ko talaga. Kasi, pangarap ko yung ganitong genre ng pelikula, yung medyo drama,” tugon ni Direk Lester.

“Kasi tapos na ako sa action. Meron akong thriller. Meron din akong sci-fi, yung Lukas [2019] na nanalo sa Southeast Asian Awards.

“So, itong Guryon, parang tingin ko, bagong genre para sa akin na isa sa mga gusto kong ma-break.”

Coming-of-age film ba ang Guryon? Romantic drama?

“Actually hindi siya ganun ka-romantic. Tungkol ito sa magkaibigan,” paglilinaw ni Direk Lester.

“Magkaibigan na babae at lalaki, pati isang batang kapatid. So, walang romantic side na ano. Parang…

“Kasi ang story nito, isang kuya na sa sobrang pagmamahal niya sa kapatid niya, kahit ang lovelife niya, hindi niya pina-priority.”

zaijian xyriel guryon
Direk Lester Dimaranan (rightmost) giving instructions to Guryon stars Kanye Avendano, Zaijian Jaranilla, and Xyriel Manabat

Photo/s: Facebook

GURYON’S TARGET AUDIENCE

Ano ang demographics ng target market ng Guryon? Ito ba ay para magbigay-aral sa mga kabataan?

Tumango si Direk Lester, “Yes. Actually nung ginawa ko yung script, ang target audience namin, from school.

“Kasi kasama sa advocacy ko talaga yun, e, na matuto yung mga kabataan.

“Kasi sa panahon ngayon, andami nang gumagawa ng vlog, andaming nagbi-video. Andami nang gumagawa ng pelikula.

“Pero yung film language, hindi pa rin nila alam talaga. So, isang bagay yun na gusto kong ma-cultivate ng mga kabataan.

“Siguro kung makakagawa tayo ng mga ganitong quality na pelikula, mas maeengganyo natin ang mga kabataan na gumawa ng ganitong klase ng genre na may aral na matututunan.”

Sa panahon ngayon, ang hirap maka-breakeven man lang sa takilya ang mga pelikulang Pilipino. Mas may chance daw na kumita ang pelikula kapag kalahok sa MMFF.

Pag-ayon ni Direk Lester, “Yes, korek naman. Agree ako diyan.

“Actually, nung nakaraan nga, yun din ang pinag-uusapan ng ibang indie filmmakers, about sa ganyang klase ng problema ng industriya.

“Pero ang nakikita kong solusyon diyan is gumawa nang gumawa ng mga quality na pelikula.

“Kasi nasira ang pelikulang Pilipino. Aminin natin o hindi, nung dumating ang Netflix, nakita ng ibang mga viewers, ibang mga Pilipino, na ang ganda ng mga pelikula ng Netflix.

“Iba ang quality kumbaga sa mga Pilipino na masyadong template ang mga pelikula. Laging may formula.

“Ahhmm, yun, kaya sana, mabago natin yung ganun. Yung pananaw ng ibang mga Pilipino na pag gawang Pilipino, ganito ang quality.

“So kailangan nating gumawa ng mga magagandang quality na pelikula.”

GURYON, FIRST PROJECT OF BLACKFIRE ENTERTAINMENT AND FILM PRODUCTIONS

Maliban kina Zaijian at Xyriel, nasa cast ng Guryon sina Kanye Avendaño, Ramon Christopher Gutierrez, Ruby Ruiz, Rob Sy, Ping Medina, Paolo Serrano, Dindo Arroyo, Polo Ravales, Cap JJ, Daryl Azilletos, Sabrina M, Ayah Sarmiento, Pekto, at Gene Padilla.

Unang handog ito ng Blackfire Entertainment and Film Productions, na ang executive producer ay si Alpha Carmina Valdez.

Salaysay ni Madam Alpha, “Nung nabasa ko yung script na ginawa ni Direk Lester, parang nagkaroon ako ng hope.

“Actually hindi para sa kikitain ng pelikula, e. Kasi sa panahon natin ngayon, parang nawawala na yung Filipino values.

“Nawawala na yung parang halaga ng pamilya, yung halaga ng relasyon sa family, ganyan. Yung pagmamahal mo sa mga kapatid mo, sa magulang mo.

“Parang hindi na nabibigyang-pansin, or hindi na nabibigyang-halaga yung importansya ng family.”

Ano ang dahilan at nag-produce siya ng pelikula? Iniisip ba niyang kumita, o adhikain niya na makapagprodyus ng pelikulang kagaya ng Guryon?

“Since ako kasi, negosyante ako, siguro first na pumasok sa isip ko, kailangan ko kumita pabalik,” pag-amin ni Madam Alpha.

“Pero habang tumatagal, parang sabi ko, hindi na ito about sa kikitain… Para sa akin, hindi na iyon nagma-matter. Hindi na iyon nagma-matter.

“Ang gusto ko, makagawa ng isang magandang pelikula na makakapagmulat muli sa mga kabataan ng kahalagahan ng relasyon ng pamilya.

“Kasi itong pelikula naming ito, hindi siya love story talaga. Hindi siya love story but more of parang pagbuo ng pangarap.

“Pagpapahalaga sa kapwa, pagpapahalaga sa pamilya. More on values.”

ON CHOOSING ZAIJIAN AND XYRIEL AS LEAD STARS

Paano napili sina Zaijian at Xyriel para magbida sa Guryon?

“Actually first choice ko talaga sila. Kasi nung bata sila, nakikita ko, bata pa lang sila, ang gagaling na nila, oo,” sagot ni Madam Alpha.

“Mabibigyan nila ng justice yung role. So, first choice ko talaga silang dalawa.”

Kumusta an pakikipag-deal sa ABS-CBN Star Magic? Nahirapan ba siyang kunin sina Zaijian at Xyriel?

Napangiti si Madam Alpha, “Smooth sila. Smooth silang kausap. Wala akong naging problema sa kanila.

“Itinawag lang din namin sa kanila. And then nagtiwala na agad sila. Actually, nauna pa ngang nag-shoot bago nagpirmahan ng kontrata.

“Ganun ang tiwala nila na ibinigay sa amin ng Star Magic kaya sobrang thankful kami.

“Hindi ko ine-expect na ganun yung tiwalang ibibigay nila. Siyempre, big stars yan, e. Big stars ng ABS-CBN, considered na dalawa sa pinakamakikinang, di ba?

“So very, very thankful ako na nakuha namin sila.”