Wilma Doesnt on what she will miss most with AKNP ending

Dahil sa kanyang role sa top-rating show na Abot Kamay Na Pangarap, mas kilala na si Wilma Doesnt bilang “Ninang Josa.”

Ito ang role na kanyang ginagampanan sa show, kung saan siya ang ninang ng bidang si Analyn.

“Alam mo, nakaka-flatter,” ang nakangiting umpisang pagbabahagi ni Wilma sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kamakailan.

“Kasi bago ako naging ninang ni Analyn, ninang na talaga ako ng marami kong pamangkin.

“So ngayon, si Analyn ang nagpa-confirm na ako talaga ang tunay na ninang ng bayan!

“So, proud na proud ako doon kasi konti na lang ang tumatawag sa akin ng Wilma Doesnt.

“Minsan magugulat ka paglingon mo, ‘Lola, ang tawag niyo sa akin Ninang Josa?!’

“So ako na talaga si Ninang, by the name, Josa,” at humalakhak si Wilma.

wilma doesnt on abot kamay na pangarap co-stars

Bida sa Abot Kamay Na Pangarap si Jillian Ward bilang si Dra. Analyn Santos.

ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓

Kumusta katarabaho si Jillian?

“Ay bagets, ninang, inaanak ko, mahal ko, bata, bata pa siya, lagi kong sinasabi sa kanya, ‘Nak, mahaba pa ang bibiyahehin mo!’”

Ang role naman ng ina ni Analyn na si Lyneth Santos ay binibigyang-buhay ni Carmina Villarroel.

“Ay! In fairness, masarap siyang katrabaho kasi galante yun e,” ang natatawang sambit ni Wilma. “At tsaka laging maraming pagkain.”

Jillian Ward and Carmina Villarroel on Abot Kamay Na Pangarap

Tumatawang hirit pa ni Wilma, “Ang gusto ko kasi talaga above all e makuha yung asawa niya, e!”

May nakakatuwang hiling si Wilma tungkol sa mister ni Carmina na si Zoren Legaspi.

“Sana mag-guest si Zoren tapos ang liligawan niya ay si Josa!”

Banggit namin kay Wilma, tutal ay may Richard Yap ng kapareha si Carmina.

“Di ba? Ang ganda siguro nun, may bago na akong boyfriend,” ang kinikilig na bulalas pa ni Wilma.

Kasama rin sa Abot Kamay Na Pangarap si Dina Bonnevie bilang si Giselle Tanyag. Paano katrabaho si Dina?

“Si Ms. D, pag tiningnan mo siya di ba,” sabay muwestra ni Wilma ng nakataas ang noo at mukha na tila mataray. “Tsaka matatakot ka talaga.”

May imahe sa showbiz si Dina na mataray.

“Tsaka ang mga kuwentong naririnig ko, Dyusme, kaya bawal ma-late, huwag kang male-late.

“Huwag natin siyang bibigyan ng pagkakataong maimbiyerna siya sa atin.

“But Ms. D is a very, very lovable person. Ganun talaga kasi iyon e, pag nakasama mo na siya sa dressing room, hindi siya papayag na yung damit mo… mother.

“Hindi siya papayag na, ‘Uy, yung makeup mo, yung buhok mo sa likod hindi pa ayos.’

“May ganun siya, mother siya. May ganun siya, Dina Bonnevie, that is Dina B. for us,” bulalas pa ni Wilma.

Gumaganap naman bilang kontrabida sa serye ang batikang aktres na si Pinky Amador bilang si Moira Tanyag/Morgana Go.

“Ang ingay,” at tumawa si Wilma.

“But I love Tita Pinky, I love Tita Pinky. Tita Pinky is a very, very… idea of ano siya, para sa akin siya ang epitome of a professional actor.

“Kasi kahit anong ipagawa mo sa kanya, regardless what time, pag kailangan hindi iyan magrereklamo.”

Abot Kamay na Pangarap cast (L-R) John Vic de Guzman, Pinky Amador, Kazel Kinouchi, Dina Bonnevie, Chuckie Dreyfus, Richard Yap, Jillian Ward, Carmina Villarroel, Allen Dizon, Wilma Doesnt, Kim Ji Soo, Jeff Moses, Andre Paras
Abot Kamay na Pangarap cast (L-R) John Vic de Guzman, Pinky Amador, Kazel Kinouchi, Dina Bonnevie, Chuckie Dreyfus, Richard Yap, Jillian Ward, Carmina Villarroel, Allen Dizon, Wilma Doesnt, Kim Ji Soo, Jeff Moses, Andre Paras

Photo/s: GMA Network thru Wilma Doesnt’s Faceboog page

wilma doesnt on series finale

Nag-umpisang umere ang Abot Kamay Na Pangarap noong September 20, 2022.

Maraming naging extensions ang show na umabot na sa mahigit dalawang taon sa GMA, at ngayon ay magtatapos na ito sa October 19, 2024.

“Napakasaya,” bulalas ni Wilma. “Napakasaya ng puso ni Josa at talaga namang kaming lahat ay nagpapasalamat.

“Kasi kung alam niyo lang yung effort na ginagawa ng lahat para mabigyan talaga sila ng maganda at maayos na mapapanood.

“Iyon talaga yun, hard work talaga ito ng ano, teamwork, hard work ng lahat: ng mga artista, ng direktor, ng mga staff and crew.”

Ano o sino ang pinaka mami-miss ni Wilma?

“Ang mami-miss ko yung kabastusan ni Richard Yap,” at humalakhak si Wilma.

Dahil sa rebelasyong ito ni Wilma, sinabi ng writer na ito na wala sa itsura ni Richard Yap ang maging ganoon.

“Looks can be deceiving, sinasabi ko sa inyo! Anong sinabi ni John Estrada kay Richard Yap? Wala!

“Ano ba kayo, wala yun, basic iyon kay Richard Yap!”

Paano siya maging bastos?

“Wala, nakakatawa siya, naughty. Kasi kami nga, sabi ko nga proud ako sa show na ito kasi for two years walang naging isyu, walang naging conflict.

“Walang away. Kasi pag may mainit ang ulo, mababasag ko agad, may mambabasag. May mga ganun.

“O minsan may hihirit, so even the boys they are very gentleman, maayos sila. Palagi kaming maraming food, may kanya-kanyang nagdadala ng food.

“Minsan si Mina, minsan magugulat ka napakaraming ice cream na dadating sa set kasi magpapa-ice cream siya.

“So things like that yung mami-miss mo above all. Yung friendship.”

Nais ni Wilma na magpahinga muna pagkatapos ng Abot Kamay Na Pangarap.

Tututukan muna niya ang kanyang negosyong five-star carinderia, ang Chicks Ni Otit sa Tagaytay at sa Cavite.

Posible ring magtayo na sila ng ikatlong branch nito.

“And then gusto ko sa susunod parang na-e-enjoy ko ang drama kasi nakakaiyak pala ako,” at natawa si Wilma.

Ilang beses nag-viral ang mga eksena noon ni Wilma sa Abot Kamay Na Pangarap kung saan namatay ang mister niyang si Cromwell played by Ariel Villasanta.

Walang humpay na iyak ng hinagpis at galit kina Analyn at Lyneth ang ipinamalas na akting ni Wilma sa mga naturang eksena.

“It’s very challenging for me pero si Abot Kamay Na Pangarap ang nakapag-unleash nung part ko na yun.”

Hiningan naman namin si Wilma ng mensahe para sa mga tumatangkilik ng Chicks Ni Otit.

“Ay! Maraming, maraming, marami at walang hanggang pasasalamat po sa lahat ng sumusuporta at nagmamahal sa aking 5-star carinderia.

“Alam niyo ho iyan, ang puso ko po ay talagang maligaya dahil isa lang po ang lagi kong naiisip: ang lahat ho ng pera niyo ay pupunta sa bulsa ko!

“The end!”