VP Leni, humarap sa mga umano’y factory workers na 80% ay BBM supporters
Matapang na hinarap ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo ang isang factory kung saan umano’y 80% ng mga manggagawa ay tagasuporta ni Bongbong Marcos. Una niyang sinagot ang mga katanungan ng mga taga-suporta ni BBM. Karamihan sa mga tanong ay patungkol sa pagtugon sa mga isyu ng trabaho at sa pag-angat ng kabuhayan ng mga mahihirap.
Isa sa mga bagay na sinabi niya ay ang hindi agad pagkumbinsi sa mga taong kaharap niya na magbago ng paniniwala, kundi pag-aralan ang mga nagawa na ng kabilang kampo na maaari pa nilang gawin kung sakaling siya ay mahalal na pangulo. Nalaman ng KAMI na nagpunta si Robredo doon upang sumagot sa ilang mga katanungan, lalo na sa mga manggagawa na iba ang sinusuportahan sa pagkapangulo.
Marami sa mga itinanong sa kanya ay patungkol sa pagbabago ng kalagayan sa buhay ng mga tulad nilang manggagawa. Ipinaliwanag niya ang mga programa na kanilang isinagawa na totoong nagtulak sa pagbabago sa pamumuhay ng kanilang natulungan.
Sinabi rin niya sa mga tagasuporta ni Marcos na hindi niya sila kukumbinsihin agad na siya ay iboto. Binigyan niya sila ng pagkakataon na kilalanin ang kanyang sarili at ang kanyang grupo, at alamin kung ano ang mga nagawa nila para sa bayan, lalo na ang mga nangangailangan ng tulong.
“Hindi ko kayo kukumbinsihin ngayon. Mahirap na magdesisyon kayo dahil nakausap ko kayo… Mas mabuti na magdedesisyon kung napag-aralan niyo kung sino ba talaga kami.”
Si Maria Leonor “Leni” Gerona Robredo ang kasalukuyang Bise Presidente ng Pilipinas. Siya ay asawa ng yumaong si Jesse Robredo at may tatlong anak na babae na sina Aika, Tricia, at Jillian. Noong Oktubre 7 ng nakaraang taon, inanunsyo ni Robredo ang kanyang pagtakbo bilang Pangulo ng Pilipinas sa darating na eleksyon sa Mayo ng 2022, kasama si Senator Kiko Pangilinan bilang kanyang bise presidente.
Kamakailan, matapang na sinagot ni Robredo ang mga paninirang ginagawa sa kanya at sa kanyang pamilya. Sabi niya, hindi na siya nagugulat sa mga ganitong pangyayari dahil naranasan na nila ito noong Eleksyon 2016. Sa kasalukuyan, ibinahagi niya ang kanyang house-to-house campaign sa Naga matapos ang pagdalaw sa burol ng kanyang umanong kaibigan. Ayon sa kanya, namimiss niya ang pagkakataon na makausap ang mga kababayan at marinig ang kanilang mga hinaing.