VP Duterte, absent sa ikalawang pagdinig ng Kamara kaugnay sa umano’y maling paggastos ng pondo noong siya pa ang kalihim ng DepEd

Bigong makadalo si Vice President Sara Duterte sa ikalawang pagdinig ngayong araw ng House Committee on Good Government and Public Accountability ukol sa umano’y maling paggastos ng Department of Education (DepEd) sa pondo noong siya pa ang kalihim nito.

Sa halip ay isang liham ang ipinadala ni Duterte sa chairman ng komite na si Manila 3rd District Representative Joel Chua kung saan kanyang iginiit na ihinto na ang nabanggit na pagdinig.

Diin ni Duterte sa sulat, hindi rin dapat basehan ng pagdinig ang privilege speech ni Manila 2nd District Representative Rolando Valeriano na bumabatikos sa hindi nya pagsagot sa tanong ng mga kongresista kaugnay sa pagtalakay ng Committee on Appropriations sa proposed 2025 budget ng Office of the Vice President (OVP).

Sabi pa ni VP Sara, wala ring panukalang batas na syang dapat basehan ng pagdinig at ang mga patakaran nito ay hindi umaayon sa atas ng konstitusyon na pagrespeto sa karapatan, privacy at dignidad ng kanilang mga resource person.

Katwiran pa ni VP Sara, hindi na dapat tinatalakay ng komite ang mga usapin na nakahain na sa Supreme Court.

Binanggit din ni Duterte na patuloy na nakikipag-ugnayan at nakipagtutulungan ang OVP sa Commission on Audit.