VMX star Karen Lopez issues apology for sudden disappearance

Makalipas ang mahigit isang linggo ay nagparamdam na ang napabalitang nawawalang VMX star na si Karen Lopez.

Nagparamdam si Karen sa pamamagitan ng pagpu-post ng mensahe sa Facebook ngayong Miyerkules, May 14, 2025, ilang oras matapos hikayatin ng Quezon City Police District na mag-file ng report ang mga kamag-anak nito sa pulisya.

Sa post ni Karen, binanggit niyang may pinagdadaanan siyang problemang mabigat umano “mentally and emotionally” kaya bigla siya nawala.

Humingi siya ng dispensa sa mga taong naabala ng kanyang biglaang desisyon.

Saad niya: “Pasensya na talaga kung bigla akong nawala nitong mga nakaraang araw.

“Nanghihingi po ako ng paumanhin sobrang sorry talaga sa lahat.

“Kailangan ko lang munang magpahinga at mag-focus sa sarili.

“Dumaan ako sa mga bagay na medyo mabigat mentally and emotionally, at napagtanto kong kailangan kong unahin ang well-being ko—even if that meant stepping back for a while.”

Nagpasalamat siya sa mga taong nag-alala sa kanyang biglang pagkawala.

Dahan-dahan na raw niyang gagamutin ang sarili.

Aniya: “Alam kong may ilan sa inyo ang nag-alala o nagtaka, at sobrang na-appreciate ko ang messages at support ninyo.

“Slowly, I’m getting better and trying to comeback stronger, one step at a time.

“Salamat sa mga nakaintindi, sa mga nag-reach out, at sa mga patuloy na nandyan.

“Slowly but surely, I’m getting back on track. Appreciate you all so much!”

VMX star Karen Lopez Facebook post

KAREN LOPEZ WENT “MISSING” LAST MAY 6, 2025

Pinangambahang nawala si Karen dahil sa Facebook post ng manager niyang si Lito de Guzman noong May 6, 2025.

Huling nakita si Karen ni Lito noong Lunes ng 12 P.M., Mayo 5, 2025, ayon sa panayam ng Cabinet Files sa manager.

Saad pa ni Lito: “Dalawang araw na siyang nawawala. Sinundo raw ng boyfriend sa condo unit niya pero pareho na silang hindi namin makontak.

“Hindi na rin siya active sa Messenger, Viber, at WhatsApp kaya kinakabahan na kaming lahat.”

May trabaho din daw itong hindi nasipot noong May 6, ang huling araw ng shooting ng sexy star para sa kanyang pinagbibidahang VMX movie na Maalikaya.

Pero hindi raw sumipot si Karen.

Naiulat ding naipa-blotter ang pagkawala ni Karen, pero base sa ulat ng ABS-CBN News, walang record ang pulisya dito.

Source: VMX star Karen Lopez issues apology for sudden disappearance