Vice Ganda denies hand in Ion Perez’s withdrawal of candidacy

Wala raw kinalaman si Vice Ganda sa pag-atras ng asawa nitong si Ion Perez sa kanyang kandidatura bilang konsehal sa Concepcion, Tarlac.

Pagdating sa pagdesisyon sa kani-kanilang buhay, kanya-kanya raw sila nito.

Ito ang pahayag ng It’s Showtime host kay Ogie Diaz nang matanong kung isa ba siya sa dahilan sa hindi pagtuloy ni Ion sa pagpalaot sa pulitika.

Saad ni Vice: “Ay, hindi kami, hindi ganun ang dynamics namin ni Ion.

“Parang kaming dalawa, we don’t decide for each other.

“Hindi ako sasabihan ni Ion na dapat ganito yung gawin ko.

“Ako din sa kanya, hindi ko sasabihin ‘dapat ganito yung gawin mo.’

“Hinahayaan namin yung isa’t isa na prumoseso ng mga bagay.

“Pero nakaalalay kami. Puwede kaming magbigay ng suhestiyon, ng opinion, lalo na pag pinag-uusapan namin, nagpapalitan ng opinion.

“Pero we will not decide for each other. Ako magdedesisyon para sa iyo, hindi kami ganun.

“So, yung mga desisyon niya sa buhay, desisyon niya yun, at pinagkakatiwalaan ko siya.”

ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓

ION PEREZ AS YOUTH LEADER IN TARLAC

Nitong nakaraang November 4, 2024, nag-post si Ion ng video sa TiKTok para ipaalam na hindi na niya itutuloy ang pagtakbo bilang konsehal sa bayan na kanyang sinilangan.

Ang pag-atras daw ni Ion sa 2025 elections ay hindi nangangahulugang kakalimutan na niya ang pagpasok sa mundo ng serbisyo publiko sa mga susunod pang eleksyon.

Nais lang daw niya ngayong maghanda upang maging karapat-dapat sa posisyong kanyang tatakbuhan.

Kalakip ng kanyang paliwanag ang paghingi ng paumanhin sa lahat ng mga kababayan niyang umasa sa kanyang pagtakbo.

Saad niya, “Gusto ko po munang ihanda ang sarili ko para hindi mapahiya sa inyo at mapaglingkuran kayo nang tama.

“Muli po, maraming-maraming salamat sa inyong tiwala. Paumanhin po.”

Ayon kay Vice, ang desisyong ito ay mula raw kay Ion at hindi siya nakialam dito.

Dati pa raw ay aktibo na si Ion sa lugar nila sa Tarlac.

Aniya, “Parang… Alam mo, pareho kami. Si Ion kasi nasa politics ever since.

“Kasi ano siya, parang youth leader siya sa Tarlac noon pa. Youth leader siya.

“At saka ever since, bago pa kami magkakilala, hanggang sa nagkakilala kami, active siya sa public service sa Tarlac.

“Kaya siya, lagi siyang nasa Tarlac. Ang dami niyang ganap.

“Kaya nung sinabi niyang tatakbo siya, may mga kumakausap sa kanya, di rin ako magtataka kung sabihin niyang tatakbo siya kasi nandoon siya, e, noon pa, e. Active talaga siya.

“Pero kung sasabihin niyang hindi rin siya tutuloy, hindi rin ako magtataka.

“Kasi yun din siya, e. Kilala ko yung pagkatao niya na… mabuti kasi puso ng asawa ko, hindi siya mag-aaksaya ng pagmamahal at tiwala at suporta sa kanya ng mga tao.

“Yun yung sinabi niya sa akin, sinabi niya, ‘Hindi na ako tutuloy.’

“Tapos sabi ko, ‘Bakit?’

“Sabi niyang ganito, ‘Kung tutuloy man ako, kung saka-sakaling gagawin ito, kailangan ko siyang paghandaan, pagplanuhan, lahat.’

“Sabi niya, ‘So ngayon, ayokong ipahiya yung mga magtitiwala sa akin kasi baka manalo siya, e.

“Sabi niya, ‘Ayokong ipahiya.’

“Sabi niya, ‘I will make sure, I will make them proud. So, kung sakali, paghahandaan ko yan, kung sakali talagang pagdedesisyunan ko yan sa susunod, paghahandaan ko yan.'”

Naghain si Ion ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) sa tanggapan ng Comelec sa Concepcion, Tarlac, noong October 1, 2024.

Ion Perez filing of candidacy

Photo/s: Courtesy: Tarlac Forum on Facebook

Bago nito, nanumpa muna si Ion Perez bilang bagong miyembro ng Nationalist People’s Coalition (NPC) sa munisipyo ng kanilang bayan.