
Terrence Romeo opens up about most hurtful words from bashers
Off the court man ngayon si Terrence Romeo ay umaasa siyang tuluy-tuloy pa rin ang kanyang basketball career.
Si Terrence ay three-time champion at three-time scoring leader na kasalukuyang nasa Terrafirma team sa PBA.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Terrence nang ilunsad siya bilang endorser ng online gaming na ABC VIP.
Naganap ang presscon sa Luxent Hotel sa Quezon City noong Linggo, June 1, 2025.
Bilang endorser ng isang online gaming brand, alam ni Terrence na posibleng siya ay mabatikos ng netizens.
“For me, kailangan una, meron tayong discipline. Sa lahat ng bagay, dapat may discipline tayo, huwag sobra.
“So pag nag-online game sila, make sure na nandun yung discipline habang ginagawa nila yun, and hindi naapektuhan yung buong livelihood nila o kung ano man,” diin ni Terrence.
May mga pagkakataong nasangkot noon si Terrace sa kontrobersiya at na-bash nang husto ng ibang netizens.
Alin yung pinakanaapektuhan siya?
“Maraming bash ako na-experience, pero ang pinakanaapektuhan ako is yung mga bash na most likely hindi totoo.
“So mahirap kasi, ano e, yung mga tao kaya lang magsalita ng hindi maganda without knowing kung ano talaga yung mga nangyari.
“So alam ninyo yun, parang dumadating sila agad sa conclusion na akala mo nandun sila sa buong story, alam nila yung nangyari, pero wala naman sila dun.
“And at the end of the day, pag nalaman nila na, ‘Oh hindi pala siya ganun’, iyon yung pinakabalik sa kanila.
“So lagi lang akong quiet, tahimik, as long as alam ko sa sarili ko kung ano yung personality ko, kung ano yung pagkatao ko, wala akong tinatapakan na tao or wala akong niloloko na tao. Okay ako.”
January 2022 nang maging laman ng mga balita ang pag-aresto kay Beatrice Pia White, asawa ni Terrence, na inakusahan ng alleged “extortion” at “use of fictitious name.”
Nadawit ang pangalan noon ni Terrence, na binatikos noon na may marangyang pamumuhay umano kaya nabaon sa utang ang asawa.
Noon ding January 2022 napabalitang hiwalay na si Terrence kay Beatrice matapos ang ilang taong pagsasama.
Ayon kay Terrence, masakit sa kanya ang mahusgahan noon sa isyu ng pera at panloloko ng ibang tao.
“Siguro yung last sa ex na kinasama ko, so for sure, hindi naman siya ano sa public.
“Maraming mga tao nag-jump sa conclusion na may idea ako sa mga nagyayari pero hindi nila alam na wala akong idea sa mga nangyayari.
“In fact, ako pa yung naloko, ako pa yung nawalan ng pera, ako pa yung pina-invest, and marami naman yung mga tao na tumulong sa akin,” balik-tanaw ni Terrence.
“Like yung dati kong boss, si Boss RSA, isa siya sa talagang pinaka pinagkakautangan ko ng loob. Kasi I’m sure, na-prove ko naman na talagang wala akong kahit na sinong tao na kinausap or niloko just to earn sa kanila.
“So, iyon yung mga nakakalungkot na comment na naapektuhan yung life ko kahit alam ko naman na wala akong participation dun.”
Ang tinukoy niyang “Boss RSA” ay si Ramong S. Ang, chairman at CEO ng San Miguel Beer. Si Terrence ay isa sa star players ng San Miguel Beermen team mula 2019-2024.
TERRENCE ROMEO on BASKETBALL PLANS
Ngayon lang ulit nakahalubilo ng entertainment press si Terrence, dahil nitong mga nakalipas na taon ay lie-low ito sa limelight.
Tinanong ng PEP ang 33-year-old guard kung ano ang ginagawa niya noong mga panahong iyon.
“Nung nawala ako sa basketball, na-injure kasi ako, so maraming mga times na nag-therapy at nagpapagaling ako.
“Pero still, nasa PBA pa rin ako and tuluy-tuloy pa rin ako ngayon,” saad ni Terrence.
Kamakailan lang ay napabalitang nagpahinga ulit si Terrence dahil sa back injury, pero inaasahang makakapaglaro muli siya para sa kanyang team.
“Healthy ako ngayon, tuluy-tuloy pa rin yung pagpapakondisyon ko,” paniniguro ng basketbolista.
Patapos na ang kontrata ni Terrence sa Terra Firma sa August, at pinaplano na niya ang next step sa kanyang karera.
“Okay naman ako ngayon, focus lang ako sa sarili ko, focus ako sa family ko, focus ako sa career ko ngayon.
“Kasi, yun nga, sinasabi ko na mag-e-expire yung contract ko ngayong August, so meron akong mga chance para…
“May mga option ako na humanap kung saan ako puwedeng maglaro or kung ano man yung mangyayari sa career ko,” paliwanag ng basketbolista.
Sabi rin niya, “Hopefully, magkaroon pa rin ng mga panibagong chance na makapaglaro sa PBA or kung saan.”
Naku-consider ba niya ang posibleng buhay at career sa labas ng basketball?
Sagot ni Terrence, “Hindi, options sa mga puwede kong laruan na team.
“Kumbaga, gusto ko pa rin mag-basketball. Hindi pa naalis yung mind ko sa basketball world.
“Ngayon, nandun ako sa time na patapos na yung contract ko, so puwede kong i-explore yung mga options na puwede kong gawin.”
IS TERRENCE ROMEO OPEN TO JOIN SHOWBIZ?
Kasi baka puwede siya sa showbiz?
Sabi naman ni Terrence, “Hindi yata ako marunong umakting, pero subukan ko, baka pag may opportunity, di ba? Or may offer.”
Inusisa pa si Terrence kung anong klaseng role ang papasukin niya sakaling siya ay mag-artista.
“Hindi ko alam kung magaling akong umakting, never akong nag-try.
“Pero kung may gagawin man ako, gusto ko yung sa mga action or alam mo yun, parang mga kontrabida, yung mga ganun. Gusto ko yung mga ganun.”
Kung comedy?
“Puwede din comedy,” sagot ni Terrence.
Sa puntong ito, umawat si Terrence, “Alam ko na kung saan papunta yan, e. Wait-wait lang dun sa mga questions.”
Pakiusap niya, “Kakabalik ko lang sa ano, pero parang masyadong mainit yung mga questions, kakabalik ko lang ulit ng…
“Ngayon lang ulit ako lumabas sa social media, kalmahan lang muna natin yung mga questions.”
Kung saka-sakali, bukas ba siya makatrabaho si Vice Ganda?
Simpleng sagot ni Terrence, “Why not? Sino ba naman ako para tumanggi?”
Source: Terrence Romeo opens up about most hurtful words from bashers