Student blames boredom for viral ‘Maybe This Time’ dance

Hindi makapaniwala ang Grade 10 student na nagpauso ng ‘Maybe This Time’ dance challenge sa natamong kasikatan ng kanyang sayaw.

Si Ralp Xyrel Villaruz ng Zamboanga ang main guest sa opening ng It’s Showtime ngayong Sabado, August 31, 2024.

Bukod sa kanya, nag-perform din sa opening number ang ilang sikat na TikTokers at content creators, kasama ang noontime show hosts and judges.

STUDENT REVEALS HOW VIRAL DANCE CAME TO BE

Nang tanungin ni It’s Showtime host Vice Ganda ang ukol sa viral dance challenge, sinabi ng estudyante na hindi niya inakalang papatok ang kanyang TikTok video.

“Vinideo ko lang ang sarili ko non kasi nabo-bored ako sa kahihintay ng [volleyball] training. Kaya naisip ko po [mag-video].”

Aminado ang binatilyo na libangan lang niya ang pagti-TikTok, pero hindi siya nagpe-perform sa school.

“First time ko po yun. Hindi po talaga ako sumasayaw-sayaw po sa school. Parang libangan ko po yung magsayaw [sa TikTok].”

Ibinahagi rin niya kung paano at saan siya nakakuha ng inspirasyon sa ngayon ay viral dance.

“Nakuha ko lang din po sa ibang influencer din po sa ibang bansa,” ani Ralp.

“Nilapat ko lang po sa kantang ‘Maybe This Time,’ tapos, ayun po, sakto naman sa beat.”

Ang ‘Maybe This Time’ na sumisikat ngayon ay cover ni Sarah Geronimo, pero ito ay original song ng American singer-songwriter na si Michael Martin Murphey.

Ralp Xyrel Villaruz and Vice Ganda
Vice Ganda expresses admiration for Ralp Xyrel Villaruz, who is behind the viral ‘Maybe This Time’ dance challenge.

Photo/s: Kapamilya Online Live on YouTube

Sa katunayan, hindi pa nga sariling cellphone ang ginamit niya para i-record ang viral TikTok dance challenge.

Cellphone raw ng kaklase ang ginamit niya, at sa TikTok account ng kaklase niyang ito unang ipinost ang viral video.

Sa tanong kung ano ang pakiramdam niya sa instant fame na natamo niya, sabi ni Ralp, “Masaya po dahil na-experience ko po ito sa buhay ko, and once in a lifetime lang ito.”

Nagpahayag naman ng paghanga si Vice sa binatilyo dahil sa pag-viral ng kanyang dance steps.

Sabi ng host-comedienne, napakaraming tao ang naaliw dahil sa dance challenge na pinauso ni Ralp.

“Ang dami mong taong napasaya. Sa hindi mo inaakalang pagkakataon ang dami mong taong nasagip,” sabi ni Vice.

“Yung mga taong ang lungkot-lungkot na, pero nung nakita yon natuwa. ’Tapos sinayaw din.

“Napaligaya rin yung sarili nila at sa lahat ng gumaya sa yo, napaligaya rin sila.

“Meron kang dinulot na napakaganda dito sa lipunan.”