SB19 Stell takes the challenge of being The Voice Kids coach

Pormal nang ipinakilala ang mga vocal coach ng singing search ng GMA-7 na The Voice Kids.

Sina Billy Crawford, Julie Anne San Jose, at sina Stell at Pablo ng SB19 ang bumubuo sa coaching team.

Pinalitan ni Pablo bilang coach ang Parokya Ni Edgar vocalist na si Chito Miranda, na nakasama nina Billy, Julie Anne, at Stell sa The Voice Generations.

Si Dingdong Dantes ay nagbabalik naman bilang host.

Ito ang ikalawang edition ng The Voice na mapapanood sa Kapuso network matapos nilang makuha ang franchise ng popular singing search na dating umeere sa ABS-CBN.

The Voice Kids host Dingdong Dantes with vocal coaches Stell, Julie Anne San Jose, Pablo of SB19, at Billy Crawford.
The Voice Kids host Dingdong Dantes (center) with vocal coaches (from left) Stell, Julie Anne San Jose, Pablo, and Billy Crawford.

Photo/s: Arniel Serato

STELL ON THE VOICE KIDS AND THE VOICE GENERATIONS

Sa question-and-answer portion ng media conference ng show nitong Miyerkules, September 4, 2024, naitanong kay Stell kung ano ang pagkakaiba ng experience niya sa The Voice Generations at sa The Voice Kids.

Sagot niya, “I think it will be challenging for me.

“Kasi nga po, it’s kids and I have experience with kids na, kasi parang meron akong mga pamangkin, mga pinsan na bata.”

Naiisip daw niya ang Blind Auditions, Battles, Sing-Offs, at ang Live Rounds ng show.

Ito ang kailangang malusutan ng mga mapipili niyang bata para makarating sa finals ng show.

Dagdag ni Stell, “But kasi, ito, I’m dealing with their dreams din.

“Para siyempre, at their young age, ayoko naman na ako rin yung magiging dahilan para masira yung pangarap na magkasama naming binubuo.

“Dahil siyempre, pag nag-Blinds, isa ako sa mga magsasabi ng magagandang bagay para ako yung piliin nilang coach.

“But sa mga next, Battles, ako rin yung magde-decide kung papauwin ko sila or isasama ko sila sa next round.

“So, mahirap siya sa akin na parang papipiliin ako. Kumbaga, as a parent, papipiliin ako sino yung pinakapaborito kong anak na isasama ko sa ibang bansa.

“Parang ganun yung feeling, e.”

Dahil na rin sa experience niya sa The Voice Generations, mas maayos na raw ang kanyang pag-iisip ngayon pagdating sa decision-making.

Ang team ni Stell na Vocalmyx ang nagwagi sa grand finals ng The Voice Generations.

Dagdag pa ni Stell, “But I guess, because of [The Voice] Generations, nabigyan na ako ng… siguro mas pinatatag nang kaunti yung pagkatao ko when it comes to decision-making.

“Kasi, at the end of the day, this is a competition pa rin.

“And sinasabi ko nga sa kanila, ‘Pinili ko kayo dahil alam kong may kaya kayong ipakita at deserve niyo to.

“‘Pero sana, habang magkasama nating tinatahak yung journey niyo, yung dream niyo, pakita niyo sa akin na kaya niyo makipagsabayan, dahil hindi lang kayo yung mga karapat-dapat din sa pangarap na ito dahil marami kayong kasabay na kasing kaedaran niyo, mga kabataan, na meron ding malalaking pangarap kagaya niyo.’

“So, sinasabi ko sa kanila na, ‘Ipakita niyo sa akin na deserving kayo at gagawin natin ang lahat para maabot yung pangarap niyo.'”

Sigurado raw si Stell na tanggap niya ang challenge na ito.

“So, for me, it will be very challenging, but I’m ready to take the challenge kasama yung bata.

“Dahil katulad nila, may pangarap din ako at sana sabay namin marating yun na magkasama.”

The Voice Kids set

Magsisimula na sa September 15, 2024, 7:05 P.M., ang The Voice Kids sa GMA.