SB19 Stell addresses sexuality issue

Manhid na ang SB19 member na si Stell Ajero sa pabalik-balik na pagkukuwestiyon tungkol sa kanyang sexual orientation.

Ani Stell, simula nang mapabilang siya sa P-pop supergroup na SB19 ay hindi na siya tinantanan ng bashers na pilit sinasabing siya ay “gay.”

Sa panayam ng grupo sa Fast Talk With Boy Abunda nitong Martes, August 27, 2024, nagkaroon ng pagkakataon ang host na si Boy Abunda na personal na hingan ng reaksiyon si Stell tungkol sa kumakalat na espekulasyon tungkol sa kanyang sekswalidad.

Tanong ni Boy, “Kaakibat ng pagsikat ay ang kontrobersiya. Isa na rito yung sexuality, what do you wanna say [Stell]?”

Ayon kay Stell, hindi na bago sa kanya ang mga ganitong usapin, lalo na’t halos araw-araw ay may pumupuna sa kanyang hitsura at kung paano siya manamit at gumalaw.

Ganunpaman, hindi na raw ito pinagtutuunan ng pansin ni Stell dahil alam niyang hindi naman magiging kabawasan sa kanya ang mga negatibong sasabihin ng iba sa kung ano at sino siya bilang tao.

Saad niya: “Hindi ko nga rin po talaga maintindihan kasi, unang-una po, tingin po ba nila insulto iyong ganong klaseng bagay?

“Ako, for example, lagi po akong natatanong o lagi pong nagiging issue sa akin yon, and I don’t mind na kung if ever man isipin nila na ganon.

“Kasi, if ever man na ganon ako, what’s the problem? So if ever na ganoon ako, anong problema?

“So, may issue ba tayo if for example maging bakla ako or anything naman na matawag niyo sa akin?

“Pare-parehas naman tayong tao. Pare-parehas naman tayong kumakain. Pare-parehas naman tayong dumudumi.

“So, I don’t think mayroon kang kinalamang sa akin.”

SB19 ON being shipped or paired TO EACH OTHER

Bukod sa kanyang pisikal na kaanyuan, isang factor daw na nakikita ni Stell kung bakit hindi matulduk-tuldukan ang isyu sa kanyang sekswalidad ay dahil rin sa pagshi-ship ng ilan nilang fans sa mga miyembro ng SB19.

Lumalabas kasing ipinapareha raw si Stell sa co-member niyang si Pablo.

SB19 Pablo on Fast Talk With Boy Abunda
Pablo

Photo/s: Screengrab @GMA Network YouTube

Ginagawan daw ng nakakakilig na video ang mga interaksiyon nila, na nagiging mitsa para sila’y pag-usapan at makuwestiyon ang kanyang pagkalalaki.

Saad ni Stell, “Sa issue naman po na yung mga fans mahilig sa shipping, hindi namin maiiwasan yon. Kasi kami nga minsan, nagkakaano rin kami… bakit parang ganon yung tingin ng tao?

“Sa amin, parang normal naman yon bilang magkakaibigan, nag-a-aylabyuhan kami. Sa ibang tao, iba pala iniisip nila.”

Dagdag pa niya: “Ayaw rin naman naming hayaan siya at maapektuhan kami as friends, as a group.

“Kasi kung sa amin joke lang siya at sa iba, sa public iniisip nila totoo, magagawan pa ng malalang isyu, na parang doon sa napanood ko.

“May napanood po kasi ako na parang tinatarayan daw ni Pablo yung isang artist.

“Parang [ang dating], crush daw po ako, tapos noong na-meet ni Pablo, tinarayan daw siya ni Pablo kasi nalaman na crush ako.

“Ako naman, ‘Parang ang labo naman ng nangyayari. Akala ko ba masaya lang tayo dito?’

“But all of a sudden, may ganung mga isyu na pala, kaya gusto rin namin siyang ma-break.”

Bagay na sinang-ayunan naman ni Ken.

Aniya, matagal nilang trinabaho at pinaghirapan ang kanilang pangalan kaya hindi naman tama na sa ganoong mga isyu lang sila masisira.

SB19 Ken on Fast Talk With Boy Abunda
Ken

Photo/s: Screengrab @GMA Network YouTube

Kaya ngayon ay doble ingat na raw sila sa kanilang mga kilos at ginagawa para maiwasan silang pag-isipan ng masama.

Pahayag ni Ken: “Ayun po yung mga bagay na para sa akin po, sa opinyon ko, e, hindi na po maganda.

“It’s because yung mga taong hindi pa po nakakakilala sa amin, tapos ganon na po yung iniisip nila. Kumbaga, yung first impression kasi, ayun talaga ang matatandaan ng mga tao.

“Especially kapag hindi kami kilala tapos gusto nila kaming kilalanin and ayun yung nakikita nila sa social media, about shipping, tapos nag-aaway sila just because boto sila sa ganitong ship.

“[Alam ko namang part siya ng fandom] and it’s alright as long as katuwaan lang. Pero to the point na mag-away away na because of the petty thing na ganyan, it is not okay, I think, hindi na siya maganda.”