Sanya Lopez asked about Rita Daniela lawsuit vs. Archie Alemania
Hiningan si Sanya Lopez ng reaksiyon sa sinampa ni Rita Daniela na reklamong acts of lasciviousness laban kay Archie Alemania.
Sina Rita at Archie ay co-stars sa defunct Kapuso primetime series na Widows’ War.
Ongoing pa ang serye nang mangyari umano ang insidente na nagsimula sa isang party na inorganisa ni Bea Alonzo party sa cast ng serye.
Matapos ang party ay hinatid ni Archie si Rita sa bahay ng huli, at bago bumaba ng sasakyan si Rita nang maganap ang diumano’y pambabatos ng aktor sa kanya.
Mariing pinabulaanan iyon ni Archie.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ibang entertainment reporters, sinabi ni Sanya na wala siya sa posisyon para magbigay ng pahayag ukol sa isyu.
“Hindi ko po alam, e,” sagot ni Sanya.
Dagdag niya, “Kaibigan ko si Rita. Pero hindi naman po ako nagsasalita as long as hindi ko rin naman kilala si Kuya Archie.
“Though, kilala ko si Rita as my kaibigan na masayahin lang talaga siya.
“So, hindi ko rin alam between them. Kasi ang makakapagsabi lang naman noon silang dalawa rin.”
Sa ulat ng PEP noong December 17, 2024, nakasaad na January 7, 2025 nakatakdang magpatuloy ang pagdinig sa premilinary investigation sa reklamong sinampa ni Rita kay Archie.
Wala pang update ukol dito sa ngayon.
SANYA LOPEZ ON WHAT SHE WILL DO TO A GUY WHO DISRESPECTS HER
Nakapanayam si Sanya sa sidelines ng birthday celebration ni Cathy Valencia sa Manila Polo Club, sa Makati City, noong November 2024.
Tinanong din si Sanya kung siya ba ay magsasampa ng pormal na reklamo kung siya ang nalagay sa sitwasyong nabastos siya ng isang lalaki.
“Pag ako? At pag may ginawa sa akin? Hindi ko alam kung sino, pero pag may gumawa sa akin ng ganoon sapak agad sa akin,” diretsong pahayag ni Sanya.
Palaban daw siya pagdating sa ganun.
“Hindi ko hahayaan,” saad pa niya.
Sa puntong ito, binanggit ni Sanya na kaya raw marahil siya ay single pa.
Bago kasi napag-usapan ang tungkol sa legal battle nina Archie at Rita ay inusisa ng press ang pagiging single ni Sanya.
Sabi ni Sanya, “Ay, saka, di ba nga, kaya hindi ako nagkaka-boyfriend kasi una pa lang binabara ko na.
“Hindi ako puwedeng basta-basta ganoonin lang.”
Sabay diin ni Sanya, personal take raw niya iyon at walang kinalaman sa isyu nina Archie at Rita.
“Ako yun. Ako lang po,” diin niya.
ON KNOWING HER BOUNDARIES
Patuloy ni Sanya sa hypothetical question at reaction niya sakaling siya ay mabastos:
“So, if ever ano agad sa akin, wala agad. Harang agad.
“Hindi ko na hahayaan na umabot tayo sa ganoon.
“Subukan mo, sapakin kita.”
Tukoy ni Sanya sa pagiging palaban niya, “Feeling ko nga kaya natatakot yung mga lalaki sa akin. Hahaha!”
Sa huli, payo ni Sanya, “Importante lang ingatan natin yung mga sarili natin bilang babae. Yun lang maa-advise ko sa ating mga kababaihan.”