Sandro Muhlach visits Cebu church amid sexual assault issue

Trigger warning: sexual harassment

Namataang nag-iikot sa Cebu ang baguhang aktor na si Sandro Muhlach.

Nasa gitna ng kontrobersiya ngayon si Sandro matapos niyang isiwalat ang diumano’y seksuwal na panghahalay sa kanya ng dalawang GMA independent contractors na sina Jojo Nones at Richard “Dode” Cruz.

Sa kanyang Instagram Story kagabi, September 2, 2024, makikita sa unang ibinahaging larawan ni Sandro ang altar ng tanyag na basilica ng Cebu.

Ito rin ang kanyang caption: “Basilica Minore del Santo Niño de Cebu”

Sandro Muhlach in Basilica Minore del Santo Niño de Cebu

Makikita naman sa pangalawang larawan ang pagbisita niya sa Magellan’s Cross.

Kasama niya sa larawan ang candle vendors na nag-aalok rin ng libreng dasal sa mga bumibili ng kandila sa kanila.

Caption ni Sandro, “Thank you for the prayers po”

Sandro Muhlach in Magellan's Cross

SANDRO MUHLACH’S HARASSMENT CASE UPDATE

Nagsampa na ng reklamong rape through sexual assault at multiple counts of acts of lasciviousness si Sandro laban kina Nones at Cruz sa Department of Justice (DOJ) noong Agosto 19, 2024.

Nakapaloob sa reklamo ang mahigit 200 pahinang salaysay ni Sandro.

Sinumpaan ito ni Sandro, kasama ang ama na si Niño Muhlach at ang legal counsel niyang si Atty. Czarina Quintanilla-Raz.

Sa panayam ng media, sinabi ni Atty. Raz na kumpiyansa sila sa inihaing reklamo ni Sandro dahil may matibay silang ebidensiya.

Isinama na rin nila ang dalawang witness para pagtibayin ang mga salaysay ni Sandro.

Ayon kay Sandro, naniniwala siyang lalabas din ang katotohanan.

Noong August 30, 2024, nagsadya naman si Sandro sa Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation (NBI) upang pormal na maghain ng reklamo laban sa tatlong anonymous X at Facebook users.

Diumano, nagpakalat ang mga ito ng paninira at kasinungalingan tungkol sa kanya kaugnay ng sexual harassment complaint na kanyang isinampa laban kina Jojo at Richard.

Mahigit sa isandaang post mula sa iba’t ibang social media platform ang mga ebidensiyang ibinigay ni Sandro sa NBI bilang pruweba na biktima siya ng online bullying dahil sa kontrobersyal na isyu na kanyang kinasasangkutan.