Sandro Muhlach on DOJ rape charges vs Jojo Nones, Dode Cruz

Trigger warning: Mention of rape and sexual abuse

Tila nakahinga na nang maluwag ang baguhang aktor na si Sandro Muhlach ngayong umusad na ang mga reklamong inihain niya sa Department of Justice (DOJ).

Nakitaan ng sapat na ebidensiya ng DOJ na may pang-aabusong ginawa sa kanya ang GMA independent contractors na sina Jojo Nones at Richard “Dode” Cruz.

Miyerkules, October 30, 2024, pormal nang kinasuhan ng DOJ sina Nones at Cruz ng one count of rape through sexual assault at two counts of acts of lasciviousness sa Pasay Regional Trial Court (RTC).

SANDRO MUHLACH: “our justice system has acknowledged the truth.”

Sa kanyang Instagram Story, sunud-sunod ang posts ni Sandro ng kanyang saloobin ngayong may liwanag na siyang nakikita sa pinagdaanang pang-aabuso.

Sabi nito sa isa niyang post kagabi, October 30, “From pain to purpose, God’s guidance lights the way. Survivor, not victim.”

ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓

Sandro Muhlach IG Stories

Ngayong Huwebes, October 31, may inihayag si Sandro sa kanyang Instagram Story pa din.

Ayon sa aktor, mahirap ang kanyang pinagdaanan at ang pag-amin niya nito sa publiko.

Bukod daw kasi sa trauma na kanyang naranasan mula sa dalawang nang-abuso sa kanya, katakut-takot din ang online bullying sa kanya kung saan hindi katanggap-tanggap ang mga komento ng netizens.

Sabi ni Sandro, “It was very difficult for me to tell my story—to come forward and tell the public that I was sexually assaulted and abused. Yung mga kinakatakutan mangyari ng mga biktima, nangyari sa akin.

“In addition to the trauma that I suffered from being sexually assaulted and abused, I also had to endure online bullying and harsh and cruel criticisms

“Napakadaming masasakit na salita ang sinabi tungkol sa akin, at pinipilit na ako pa raw ang nagsisinungaling dahil wala akong ebidensya.”

Ngunit hindi naman daw siya pinaghihinaan ng loob.

“But I did not lose hope. And finally, our justice system has acknowledged the truth.”

Panawagan niya sa mga biktimang tulad niya na ikinukubli ang nangyari sa kanila: “For all the rape and sexual abuse victims out there, ‘wag nating hayaang manalo ang mga nagsamantala at bumaboy sa atin.

“‘Wag nating hayaan na patahimikin nila tayo. Tayo ang biktima.

“Tayo ang inabuso. Tayo rin ang papanigan ng katotohanan.”

Sandro Muhlach IG Stories

SANDRO MUHLACH CASE

Ang reklamo ni Sandro laban kina Nones at Cruz ay may kaugnayan sa alegasyong panghahalay diumano nito sa baguhang aktor noong madaling-araw ng July 21 sa isang hotel sa Pasay City.

August hanggang September, mainit na pinag-usapan online ang sinapit umano ni Sandro sa kamay nina Nones at Cruz na humantong pa sa pagdinig sa Senado.

Pagsapit ng Oktubre, unti-unting nawala ang alingasngas sa kasong isinampa ni Sandro sa dalawang GMA independent contractors.

Dahilan para pag-isipan ito ng publiko na pumayag nang makipag-areglo si Sandro.

May lumutang pang haka-haka na baka binayaran umano ang aktor kaya bigla na itong nanahimik.

Bagay na mariing itinanggi ni Sandro.

Sa kanyang Instagram Story noong October 11, 2024, idiniin ni Sandro na hindi kailanman mababayaran ng salapi ang pakikipaglaban niya upang makamit ang hustisya.

Ibinahagi niya ang screenshots ng ilang comments online tungkol sa panandalian niyang pananahimik sa gitna ng kanyang legal battle.

“Sandro, ano nga bang nangyari sa kaso mo? Binayaran ka ba para manahimik?” tanong ng isang nagkomento.

Sabi pa ng isa (published as is), “baka inayos…baka tinulungan ng gma…”

Saad pa ng isa, “2 option lang yan nasa korte na at di na pwede ipublic or nagkaayos na yan.”

“Nbalewala lang un pinaglaban ni Sandro,” dagdag pa ng isa.

Paliwanag ni Sandro, wala siyang balak iurong ang reklamo.

Noong panahong iyon, hinihintay pa raw ng kanyang kampo ang pasya ng korte, dahilan ng panandalian nilang pananahimik.

Ani Sandro: “Still waiting for the resolution of DOJ (Department of Justice) and GMA Legal.

“Hindi po ako binayaran and never po ako magpapabayad for settlement.

“Kahit po kami ng legal team ko naghihintay sa case.”

Apela pa ng aktor sa publiko (published as is), “Wag niyo po pangunahan lahat. I will not be silenced. Just wait.”

Dagdag pa niya, “We have more yet to reveal.”