Sam Verzosa defends Willie Revillame from bashers

Itinuturing ni Congressman Sam Verzosa ang TV host na si Willie Revillame na pangalawang ama.

Co-host si Sam sa programa ni Willie na Wil To Win, at ito raw ang naging daan para makilala siya ng publiko.

“Napakalaking tulong ni Kuya Wil,” saad ni Sam.

“Kung hindi po dahil sa kanya, wala po ako sa kongreso.

“I’m the representative of Tutok to Win Party List. Yung binibigay sa aking exposure, ginawa pa niya akong co-host sa Wil To Win araw-araw.”

Nakausap si Sam ng media, kabilang ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sa Manuel L. Quezon University, Hidalgo, Manila, noong September 16, 2024.

Habang iniinterbyu si Sam ay katabi nito ang nobyang si Rhian Ramos.

Sumingit si Rhian na kung hindi daw dahil kay Willie ay hindi sila magkakakilala ng congressman.

Sang-ayon ni Sam: “Opo, hindi ko mami-meet si Rhian kung hindi dahil sa programa kasi pareho kaming host nun.

“So, napakalaki ng utang na loob ko kay Kuya. Ang dami niyang naibigay na tulong sa akin.”

ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓

Itinuturing din ni Sam na mentor si Willie pagdating sa TV work.

“Yung pagho-host, siya rin ang nagbigay sa akin niyan. Pati ang pagdidirek, sa kanya ko natutunan. Pati ang pananalita,” saad ni Sam.

Sa ngayon ay nakapahinga raw siya sa paghu-host.

“Nagho-host ako actually, nagkasakit ako sa dami ng ginagawa ko. Na-hospital pa ako.

“Nang mapunta ako sa hospital, sinabi ni Kuya na, ‘O, Sam, baka kailangang magpahinga ka.

“‘Sa dami ng tinutulungan mo, hindi lang sa buong Pilipinas kung hindi sa pag-ikot mo sa Manila, parang magpahinga ka muna.

“‘Kami ang tutulong dito sa studio, ikaw ang tumulong diyan sa labas.'”

ON WILLIE REVILLAME SCOLDING STAFF on air

Sa kabilang banda, nahingan din ng reaksiyon si Sam tungkol sa mga komento ng netizens sa paraan ng pagho-host ni Willie.

Noong August 15, naiulat ang paghingi ng paumanhin si Willie sa publiko dahil sa mga pagkakataong sinisita o napapagalitan niya ang staff ng Wil To Win sa live telecast ng show.

July 15 nang mag-premiere sa TV5 ang blocktimer early prime variety show.

Katuwiran ni Willie, gusto lang niyang mapaganda ang show, at sana raw ay maiwasan ang pagkakamali dahil may rehearsal naman daw bago umere ang programa.

Nakangiting sunud-sunod na iling ang reaksiyon ni Sam nang tanungin ng PEP kung naranasan niyang masita habang naka-live sila sa Wil To Win.

“Never, never,” sagot ni Sam.

Dinepensahan niya si Willie.

Saad niya, “Pero sa totoo lang, hindi naman mawawala ang mga haters, bashers.

“Pero sa totoo lang, ang tinuturo ni Kuya Wil ay tamang paghu-host, disiplina sa mga tao, professionalism.

“Kung hindi natin maituturo yan, maabuso po tayo at hindi natin magagandahan ang show.”

Paliwanag ni Sam, inspirasyon niya si Wil nang magkaroon siya ng public affairs program sa GMA-7, ang Dear SV.

Naiintindihan niya raw ang pinanggagalingan ni Willie.

Katulad po ng ginawa ko ngayon, sa kanya ko po natutunan kung paano maging professional.

“Kung paano pagandahin ang programa, kung paano lagyan ng puso.

“Actually, ang programa ni Kuya Wil, ang programa na Dear SV, para po sa mga tao, e. Hindi po namin ito programa, programa ito ng mga tao, bawat Filipino.

“At ang sinasabi nga niya sa mga kasamahan niya, sa amin, para sa milyun-milyong Filipino na umaasa sa atin, maging professional tayo. Paghandaan natin ang mga ginagawa natin.”

sam verzosa ON RHIAN RAMOS

Masaya at ipinagmamalaki ni Sam na suportado siya ng girlfriend na si Rhian sa lahat ng mga ginagawa niya.

Hindi raw talaga siya nagkaideya na sosorpresahin siya ni Rhian na dumalo sa outreach event na inorganisa ni Sam para sa kanyang kaarawan.

“Hindi talaga, kasi alam ko na schedule niya talaga ang Monday. May shooting talaga siya. At alam ko na kapag may shooting siya,” sabi ni Sam.

“Hindi lang ngayon na una, ilang beses na niya akong sinorpresa. Akala ko wala siya. Sabi ko, ‘Bakit wala tayong host?’ Sabi ko, ‘Sige, okay lang.'”

Ayon naman kay Rhian, sinamahan niya si Sam noong gabing nag-set-up sila ng mga siomai cart na ipinamigay ni Sam sa event.

Kaya hindi raw talaga halata na sa kinaumagahan, darating pa rin ang aktres.