Sabrina M. on evading sexual harassment during her prime

Aware ang ’90s sexy star na si Sabrina M. sa maingay na usapin ngayon tungkol sa sexual harassment issue sa loob ng showbiz.

Ito ay matapos ang mga rebelasyon ng baguhang aktor na si Sandro Muhlach, ng singer na si Gerald Santos, at ng isang male talent ng TV5 News and Current Affairs.

SABRINA M. ON AVOIDING SEXUAL HARASSMENT

Noong kasagsagan ng kanyang career, sunud-sunod noon ang ginawang sexy films ni Sabrina M. Pero masuwerte raw siyang hindi nakaranas ng seksuwal na pang-aabuso.

Saad niya, “Well, hindi po. Kasi noong time na yun, even though nagpapa-sexy ako sa pelikula, meron kasi akong wall lagi, e. May wall ako, e, na hanggang dito ka lang.

“Katulad ng kunyari may mga ginagawa akong sexy films, yung sexy scene, ang nandun lang sa kuwarto is director ko, cameraman.

“Yan lang ang puwedeng pumasok, at ang leading man.

“Yung mga sexual harassment na yan, wala, hindi ko binigyan ng pagkakataon.”

Pero meron daw ilang leading men noon na nagyayaya matapos ang ilang maselan nilang eksena.

Kuwento ni Sabrina M, “Although siyempre meron kang dati na, alam mo yun, normal na yata yun, e.

“Yung may mga magpapahiwatig sa yo.

“Pero ako yung tao kasi na bina-block ko agad kung anuman ang gusto mong umpisahan.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Sabrina M. sa premiere ng pelikulang Mamay: A Journey to Greatness, The Marcos Mamay Story, na ginanap sa SM Megamall Cinema 1, Martes ng gabi, Agosto 27, 2024.

Si Sabrina M. ay gumaganap bilang babaeng nang-akit kay Mayor Marcos Mamay noong kabataan nito sa Nunungan, Lanao del Norte.

Magkakaroon ng mga block screening ang Mamay: A Journey to Greatness, The Marcos Mamay Story sa mga susunod na araw.

The Cast of Mamay

(The cast of Mamay: A Journey to Greatness, The Marcos Mamay Story)

SABRINA M.: “hindi porket nagpapa-sexy ka na, bibigay ka rin.”

So, nararamdaman talaga niyang may nais maka-level up sa kanya?

Sagot ni Sabrina, “Oo, may mga ganun. Siyempre talagang nangyayari yun.

“Even may mga leading man ako na, ‘Hoy, tuloy na natin yan.’ ‘Bakit, trabaho lang tayo, wala tayon personalan.’

“Kasi hindi porket nagpapa-sexy ka na, bibigay ka rin.

“Kailangan mo irespeto kasi yung sarili mo, e.”

May mga nadadala ba talaga sa mga eksena noon?

Sagot ng aktres, “Oo. Hindi naman sa ano, ‘no, yung mga leading man ko, during the sexy scenes namin, e, nadadala sila.

“Pero ako, ‘Hoy, trabaho lang to. Huwag mong anuhin yan.’

“Dinadaan ko sa biro. “

Never din daw siyang nagkaroon ng relasyon sa kanyang mga dating nakatrabaho.

Aniya, “Wala po. Trabaho lang talaga ako nun, e.

“And sa sobrang higpit ng nanay ko, laging nakabantay yan.

“Alam mo yung mommy ko, kahit sexy scene, andiyan kaagad yan.

“Pagkatapos ng mga eksena ko, e, siya pa minsan nagtatakip sa akin ng mga tuwalya.”

Kaya huwag daw husgahan ang sexy stars na baka ganun din sila sa totoong buhay.

Saad ni Sabrina, “Oo. Kasi ako naman po, kahit nagpapa-sexy ako, pinapakita ko naman na trabaho lang yun.

“Hindi porke’t ganyan ang role mo sa isang pelikula, kailangan ganoon ka rin sa tunay na buhay, di ba?

“Pangit kasi tingnan.”