RS Francisco recalls how Nora Aunor gave money to street kids

Kahapon, May 21, 2025, ang dapat sana’y ika-72 kaarawan ng namayapang Superstar at National Artist na si Nora Aunor.

At sa araw na ito nag-premiere ang Faney, isang tribute film para kay Nora, na pumanaw noong April 16, Miyerkules Santo.

Ang Faney ay kuwento ng isang loyal fan ni Nora, na ginagampanan ng acclaimed director-actress na si Laurice Guillen.

Kasama sa cast sina Gina Alajar, Althea Ablan, at Bembol Roco. Ang direktor ng pelikula ay si Adolf Alix Jr.

Ang Frontrow, na pagmamay-ari nina RS Francisco at Sam Versoza, ang isa sa producers ng Faney.

Ginanap ang special screening ng Faney sa Gateway Cineplex kagabi.

Bago magsimula ang screening, humarap si RS sa press at sa ibang guests upang ibahagi kung bakit siya naging co-producer ng pelikula.

Lahad ni RS tungkol kay Nora: “Hindi ko siya matalik na kaibigan. Nakasama ko lang siya. Naalala ko, way back noong ’90s.

“Inutusan lang ako na sunduin siya sa bahay niya sa La Vista.

“Nanghiram ako ng kotse para sunduin ang isang Superstar. Isang karag-karag na kotse.”

Namangha raw si RS dahil walang kaarte-arte si Nora.

“Paglabas niya ng bahay sa La Vista, hindi siya nagtanong kung sino ako. Anong credentials ko.

“Ang sinabi lang niya, ‘Ikaw po ba ang susundo sa akin?’ Hindi niya tinanong kung maganda ang kotse ko, sumakay lang siya.

“At habang lumalabas kami ng La Vista, umilaw yung gas, empty na. Sabi ko, magpa-gas muna kami sa gasoline station, tabi ng simbahan.”

Sa puntong iyon nasaksihan daw ni RS ang pagiging mapagbigay ni Nora kahit sa mga hindi kakilala.

Balik-tanaw pa rin ni RS: “Nagpa-gas ako. E, yung kotse, walang tint.

“Merong mga bata nagbebenta ng sampaguita. Sumilip, sumigaw, ‘Si Nora Aunor!’ Wala pang two minutes, kinukuyog na yung karag-karag na kotse.

“Ang initial reaction ko po, paandarin, bayaran, umalis dahil nagkakagulo yung mga bata.

“Pero ang sabi sa akin ni Nora, ‘Kuya…’ Hindi niya kasi ako kilala. ‘Kuya, huwag ka munang aalis, ha?

“Bumaba siya ng kotse. Pinapila niya lahat ng mga bata, at dumukot siya ng wallet niya. At gamit yung pera niya, binigay niya lahat ng pera niya. Beinte, singkuwenta, isang daan…

“At ako po mismo ang nakakita kung gaano ka-selfless ang isang Superstar. Hindi niya tinigil ang pagbigay ng pera hangga’t di naubos yung laman ng pitaka niya.”

Tumatak daw kay RS ang karanasang iyon.

Ayon pa kay RS: “At mula nun, dun ko na-realize kung bakit ang dami sa buong mundo na nagmamahal sa kanya.

“Kaya isa itong project na ‘to, salamat Direk Adolf Alix at binigyan mo kami ni SV ng pagkakataon, along with Cecille Bravo and Attorney Aldwin, na magawa itong Faney.”

Co-producers ni RS sina Atty. Aldwin Alegre ng AQ Films at Cecille Bravo ng Bravo Films.

Gina Alajar, Laurice Guillen, and Althea Ablan are the lead stars for Faney, a tribute film for Superstar Nora Aunor.
Gina Alajar, Laurice Guillen, and Althea Ablan are the lead stars for Faney, a tribute film for Superstar Nora Aunor.

Photo/s: @aalixjr Instagram

RS FRANCISCO ON COLLABORATING WITH ADOLF ALIX JR.

Ibinahagi rin ni RS na noong 2019, bago mag-pandemic, plano raw niyang kuhanin sana sa kumpanya nila ni Sam sina Nora at Vilma Santos para sa isang campaign.

“Kausap na po namin sila parehas, nagkaroon lang ng pandemic. Sayang… So sana, kahit dito, makabawi man lang kami para sa ating Superstar,” aniya.

Nabuo ang ideyang gawan ng tribute film si Nora nang makausap ni RS si Direk Adolf.

Ilang beses nakatrabaho ni Direk Adolf si Nora sa mga pelikulang Padre de Familia (2016), Whistleblower (2016), Pieta (2023), at Mananambal (2025).

“Noong mabalitaan ko po na pumanaw na ang ating minamahal na Superstar, nasa ibang bansa po ako.

“Wala po akong way na makauwi kasi marami pong naka-schedule nung linggong yun.

“Pero habang nanonood po ako ng Live nila sa Facebook, napapaisip ako, ‘Paano ako makakabawi sa ating National Artist?’

“At tamang-tama, si Direk Adolf na nakatrabaho ko na dati po sa Misterio dela Noche, nag-message sa akin kung gusto ko raw makipagkita pag-uwi ko sa Pilipinas at pag-uusapan namin ang pelikula tungkol sa mga fan ni Nora Aunor.

“Hindi na ako nagdalawang-isip.

“Alam ko na noong mga panahon na yon, busy ang partner ko na si SV sa pangangampanya. Kaya hindi ko na siya tinawagan.

“Sinabi ko kay Adolf, ‘Sige, meet tayo.’”

Ang tinutukoy ni RS ay ang pagkandidato ni Sam Verzosa bilang mayor ng lungsod ng Maynila. Nabigo si Sam na mahalal.

May iba pa raw sanang movie concept na naisip si Direk Adolf, pero pinili raw ni RS ang Faney.

“Pag-uwi na pag-uwi ko noong umaga, hapon, nag-meet na kami.

“Pag-meet ko sa kanya, nagkuwento siya. Pero ibang pelikula ang kinukuwento niya, ibang artista, ibang istorya. Tapos, hinintay ko.

“Sunod, nagkuwento na naman siya, iba na namang pelikula, iba na namang artista.

“Sabi ko, ‘Direk, itigil mo yan, gusto ko yung Nora. Ikuwento mo sa akin yung fan ni Nora.’”

At doon lang daw naalala ni Direk Adolf na tungkol sa pelikulang Faney ang dahilan ng pagkikita nila.

Ayon pa rin kay RS: “Sabi ko, ‘Kalimutan natin ang first two. Yung istorya mo sa fan ni Nora, go na yan.

“‘Gawin na natin yan para sa nagmamahal sa National Artist natin, sa buong mundo. Gawin natin yan.

“‘Yan ang legacy project natin kasama si SV sa movie na ‘to.'”

Source: RS Francisco recalls how Nora Aunor gave money to street kids