Robert Alejandro, former TV host, passes away at 61
Pumanaw na ang dating TV host na si Robert Alejandro ngayong Martes, Nobyembre 5, 2024.
Siya ay 61.
Inanunsiyo ng Filipino stationery brand na papemelroti, kung saan isa sa founders si Robert, ang malungkot na balita sa pamamagitan ng Instagram post.
Nakasaad dito: “It is with great sadness that we announce the passing of Robert Alejandro. He joined Our Loving Savior on November 5, 2024.
“Although the sorrow is great, we also want to celebrate his life, the many wonderful accomplishments and causes he championed unselfishly.
“He was a beloved brother, uncle, and friend. Robert was a vibrant, passionate spirit whose creativity, generosity, and warmth endure in the countless lives he has touched. As a co-founder of papemelroti, his visionary spirit helped shape our brand into what it is today, bringing joy and inspiration to many.
“Robert Alejandro, 1963-2024”
Si Robert ay naging host ng children’s art program na Art Is-Kool sa GMA-7 noong 2002. Dito ay nakilala siya sa tawag na “Kuya Robert.”
Nagsilbi rin siyang correspondent ng defunct documentary program na The Probe Team.
Isa rin siyang artist at production designer ng sikat na stationery at eco-friendly gift shop na papemelroti, at children’s book illustrator.
Sa kanyang panahon bilang artist, si Alejandro ay naging space designer para sa shopping malls, art director para sa advertising agency McCann Erickson, at instructor para sa iba’t ibang arts and crafts workshops.
ROBERT ALEJANDRO’S BATTLE WITH CANCER
Noong 2016 ay na-diagnose siyang may colon cancer.
Sa February 7, 2020 episode ng ABS-CBN News DocuCentral program na Local Legends, sinabi ni Robert kalmado niyang tinanggap ang balitang ito.
Lahad niya: “Nagkaproblema ako sa pagdudumi. Dugo iyong lumalabas, tapos nahihirapan ako. Nagpa-colonoscopy ako.
“Nung nagising ako sa colonoscopy, sinabi ng doktor, cancer. Colon cancer.
“Nung sinabi niya cancer, siyempre medyo nabigla, pero not as bigla as, I guess, normal people would.
“Ang nasa utak ko, ‘Ah, okay… My prayers are answered.’
“Dahil for more than 50 years—that’s almost the whole of my life—meron akong depression and suicidal thoughts…
“Nung nagka-colon cancer ako, actually right then and there in the hospital bed when I woke up, I told myself: ‘Okay, sandali na ang ako dito. Ayoko na. Sa natitirang oras ko dito sa mundo, gusto ko mahal ko ang sarili ko.'”
Isa sa pinakamalaking desisyon na ginawa ni Robert nang malaman niyang mayroon siyang cancer ay huwag sumailalim sa chemotherapy.
Nagdesisyon siyang huwag magpa-chemotherapy matapos suriin ang kinahinatnan ng kanyang brother-in-law at ina na parehong nagka-cancer.
Ang kanyang brother-in-law ay na-diagnose na may skin cancer. Sumailalim ito sa chemotherapy ngunit pumanaw pagkalipas lamang ng isang buwan.
Ang kanya namang ina ay na-diagnose na may skin cancer. Nagdesisyon itong huwag magpa-chemotherapy at nabuhay pa ng pitong taon.
LOSING HIS LIFE SAVINGS TO HIS CAREGIVER
Noong 2023, maliban sa pagkakaroon ng cancer, ay dumanas ng isa pang dagok sa buhay si Alejandro.
Ninakawan umano siya ng malaking mahalaga na nakalaan dapat sa kanyang pagpapagamot.
Ang masakit pa raw, mismong ang caregiver na nag-aalaga sa kanya ang diumano’y tumangay sa halos PHP3 milyon niyang life savings.
Kuwento ni Robert, October 2023 nang kunin niya ang serbisyo ng caregiver na ito dahil kinailangan niya ng katuwang sa mga tubo at aparatos na nakakabit sa kanyang katawan.
Tiwala naman daw siya noong una sa caregiver na ito dahil ang doktor na kakilala ng kanyang pamilya ang mismong nagrekomenda rito.
Ani Robert, “Nakikita naman niya ang kalagayan ko, yung hirap na hirap kami mabuhay, tapos ito ang gagawin [niya].
“Kailangan ko iyon [pera] para sa ospital. Buti kung healthy pa ako, puwede pa ako magtrabaho para mag-ipon pa.”
Nabisto ni Robert ang pagnanakaw sa kanya ng caregiver noong December 17, 2023, nang nakatanggap siya ng notification galing sa bangko na mayroon siyang binayarang online transaction.
Dahil wala naman siyang binibili online, mabilis itong inireport ni Robert sa bangko. Dito na niya natuklasang halos nalimas na ang laman ng kanyang bank account.
Suspetsa niya, pinakikialaman ng caregiver ang cellphone niya habang natutulog siya at dito nito sinasamsam ang kanyang life savings.
“May binili raw ako from Amazon, di ba mayroon yon notification?
“Wala naman akong ginawang ganon so tumawag ako sa bangko ko para sabihin na hindi ako yon,” lahad ni Robert.
Idinulog daw ito ni Robert sa pulisya.
Base sa inisyal na imbestigayon ng awtoridad, gamit ang cellphone ng dating TV host ay nagpapadala ang caregiver ng pera sa mga ahente ng e-sabong.
Dalawang bank accounts ang nakita nilang pinagpasahan ng pera mula sa bank account ni Robert. At mula sa mga account na ito, pinapasa ang pera sa e-sabong account ng kanyang caregiver.
Additional report by Khryzztine Joy Baylon