
Rico Blanco bids goodbye to brother King
Kasabay ng pagdadalamhati ng Rivermaya vocalist na si Rico Blanco sa pagkamatay ng nakababatang kapatid na si Rey “King” Blanco ay ang pasasalamat niya sa lahat ng nagpaabot ng pakikiramay at dasal sa kanilang pamilya.
Sumakabilang buhay si King, sa edad na 50, noong May 14, 2025.
Ang kanyang pagkamatay ay kinumpirma ng anak niyang si Daniela sa pamamagitan ng Facebook post noong May 15.
Rico Blanco mourns passing of brother King
Makaraan ang mahigit isang linggo, si Rico naman ang nag-post sa Instagram para ihayag ang nararamdaman sa pagkawala ng kapatid.
Nitong Miyerkules, May 21, ibinahagi ng OPM singer ang throwback pictures nila ni King.
Sa mga larawan, mapapansin ang pagiging malapit nina Rico at King mula nang bata pa sila hanggang sa magkaedad.

Photo/s: Rico Blanco on Instagram

Photo/s: Rico Blanco on Instagram
Sa caption ng post, pinasalamatan ni Rico ang lahat ng mga nagpaabot ng dasal sa matinding pinagdaanan ni King bago ito bawian ng buhay.
Aniya: “Thank you everyone for your thoughts and prayers.
“You gave my dearest brother so much strength.
“You made him feel he wasnt alone in a battle he fought til the very end.”
Kalakip nito ang taus-pusong pasasalamat din ni Rico kay King dahil sa pagmamahal at kasiyahang ibinigay nito sa kanilang pamilya.
Mensahe ni Rico: “Farewell, King. Thank you for bringing us so much love and so much joy.
“Kuya loves you so much.”
Hindi pa isinasapubliko ng pamilya ni King kung ano ang dahilan ng pagkamatay nito.
Ngunit napaulat noong may cancer ito nang mag-post sa Instagram si Rico para manawagan ng dasal sa gitna ng matinding pagsubok sa kalusugan ng kapatid.
Sabi noon ni Rico sa kanyang post, hindi matatawaran ng kahit ano ang samahan nila ni King dahil bata pa lang daw sila ay malapit na sila sa isa’t isa.
Sila raw ang madalas magkasama sa lahat—sa kalungkutan man o kaligayahan—kaya naman ganoon na lamang naapektuhan si Rico nang madiskubre niyang may malubhang sakit si King.
Na-diagnose si King na mayroong squamous cell carcinoma.
Ayon sa Pathology Report, ang squamous cell carcinoma ay isang uri ng cancer na nagsisimula sa squamous cells o mga espesyal na selula na matatagpuan sa panloob na ibabaw ng lukab ng ilong at paranasal sinuses.
Ang paranasal sinuses—na kinabibilangan ng maxillary, frontal, sphenoid, at ethmoid sinuses—ay mga puwang na puno ng hangin sa mga buto sa paligid ng ilong na nagpapagaan sa bigat ng bungo at gumagawa ng mucus.
Source: Rico Blanco bids goodbye to brother King