Ricky Lee says 50th MMFF is a success despite naysayers
Gatecrasher” si National Artist Ricky Lee sa mediacon ng second Puregold CinePanalo filmfest noong Enero 24, 2025, Biyernes, sa Artson Events Place, Roces Ave., Quezon City.
Siyempre, tuwang-tuwa ang festival director ng Puregold CinePanalo na si Direk Chris Cahilig sa pagdalo ni Sir Ricky sa kanilang event.
Paliwanag ng Pambansang Alagad ng Sining na si Sir Ricky, “Napagod akong magsulat the whole morning. Naghahanap ako ng lakad.
“Si Adel, assistant ko, may short film siya dito. So, sabi ko, mag-gatecrash nga ako.”
Kabilang sa 24 short films na magtatagisan sa Puregold CinePanalo 2025 ang Dan, En Pointe ni Adelbert “Adel” Abrigonda ng Polytechnic University of the Philippines.
Welcome na welcome ang presence ni Sir Ricky sa pagtitipon.
“Maraming kaibigan. Maraming workshoppers,” nakangiting pakli ni Sir Ricky.
SLASHED BUDGET FOR CCP
Ikinalulungkot ng maraming nagmamalasakit sa Sining at Kalinangan na na-slash muli ang budget ng gobyerno para sa Cultural Center of the Philippines.
“Yes, yes! Pati sa amin, sa Cine Icons,” pagtatapat ng 76-anyos na si Sir Ricky.
“So yun, so medyo malungkot na laging hindi priority ang Arts. Siyempre mahalaga naman ang pagkain, safety ng lahat. Pero sana, may pagpapahalaga rin sa Arts.”
Binawasan din ang national budget para sa Department of Education, state universities and colleges, ganoon din sa PhilHealth.
Malumanay na pag-ayon ni Sir Ricky, “Yes, and malungkot siya dahil it comes at a time when hindi pa gaanong nakakabangon ang industriya ng pelikulang Pilipino.
“Kailangan niya ng lahat ng tulong. Kasi medyo… medyo sisinghap-singhap. So lahat ng tulong, kailangan.
“That’s why I’m happy na maski Puregold, e, gumagawa ng paraan para makatulong. Mula sa private sector, nagbibigay ng tulong.
“Kasi pag tumingin ka dito sa room na ito, you can see all these filmmakers — may mga baguhan, may mga estudyante, may mga datihan—lahat eager na gumawa ng pelikula.
“At ang hirap ngayong humanap ng budget para gumawa ng pelikula. So yung fulfillment ng dreams nila, natutulungan.
“And in a way, natutulungan din na sumigla yung industriya natin. Kasi maraming bagong dugo at dating dugo na papasok dito para gumawa ng pelikula.”
RICKY LEE MOVIES ON 5OTH MMFF
Sa sampung official entries ng 50th MMFF, dalawa ang pelikula ni Sir Ricky.
Nanalo ng best screenplay ang Green Bones kung saan magkatuwang sila ni Angeli Atienza sa pagbuo ng script.
Wagi rin ang Green Bones bilang best picture, best actor (Dennis Trillo), best supporting actor (Ruru Madrid), best child performer (Sienna Stevens), at best cinematography (Neil Daza).
Mula sa 43 sinehan noong opening day, umabot sa 180+ ang sinehan ng Green Bones.
Eventually, pumangalawa ito sa topgrossers ng MMFF 2024.
Sa Isang Himala, scriptwriters sina Sir Ricky at Direk Pepe Diokno, at songwriters sina Vincent de Jesus at Sir Ricky.
Wagi ang Isang Himala bilang 4th best picture, best original theme song (Ang Himala Ay Nasa Puso), best musical score (Vincent de Jesus), best supporting actress (Kakki Teodoro), at Special Jury Prize.
Hindi ito ang kulelat sa festival entries, huh?!
“Bukod sa hindi siya kulelat, up to now, it’s still showing sa Gateway, sa Cinema ‘76,” pagmamalaki ni Sir Ricky sa rock musical film na pinagbidahan ni Aicelle Santos.
“At maraming nag-iimbita na sa kanya na mga grupo-grupo para magpalabas. Masarap sa pakiramdam uli, para sa akin, na hanggang ngayon, nakagawa pa rin ako ng pelikula.
“Active pa rin ako, at yung nagagawa kong pelikula, ina-appreciate ng generation ngayon, maski ng Gen-Z.
“So, siyempre masarap sa isang filmmaker yung ganun. And finally masarap na maisip na even at my age now, maski papaano, nakakatulong ako na sumigla maski papaano yung industriya.”
Ano ang evaluation niya sa golden edition ng Metro Manila Film Festival?
Maraming paandar at pasabog, pero marami ring mga puna.
“Well, unang-una, sa akin magaganda yung sampung kalahok na pelikula,” saad ni Sir Ricky.
“When I say maganda, hindi necessarily perfect kundi sa premise pa lang, sa concept pa lang, ‘Ah, medyo magastos ito. Ah, OK ito.’
“So, kumbaga meron kang sampung pelikula na nagsasalpukan yung kani-kanyang mga concept…
“So, yung sampung pelikula, nag-cause din ng mga diskusyon, at mga argumento, at mga opinyon at pagtatalo. I think OK lang yon.
“Kasi nabubuhay, e, kesa placid na hindi gumagalaw yung ilog. Ito ngayon, gumagalaw yung ilog, e.
“And hopefully, sa galaw na yun ng banggaan ng mga kontrobersya, eventually it will get to a point where magko-connect ka at magko-cohere into something more relevant, more valid, more beautiful para sa atin.
“Sa atin, basta healthy yung pagbibigay ng opinyon.”
MMFF BOX-OFFICE RESULTS
Naka-P1.2B ang kabuuang kita ng sampung kalahok sa 49th MMFF, mas malaki kesa sa 50th MMFF na kinukuwestiyon pa ng iba kung umabot sa PHP800M na target gross.
Kahit magaganda ang sampung entries ng MMFF 2024, may mga nagsasabing failure raw ito dahil hindi masyadong malakas sa takilya.
Pananalig ni National Artist Sir Ricky, “Sa akin, tagumpay siya in the sense na umakyat man, bumaba man ang kita, ang importante patuloy na ginagawa.
“Hindi naman puwedeng gawin natin lagi everytime… Every time tayo magtatagumpay na paakyat nang paakyat nang paakyat.
“I think it’s very admirable na even hindi kasinlaki ang kinita this year compared to last year, they will still continue doing it, which is important. Iyong tapang.
“Second ang alam ko, umabot sa target… Even if hindi umabot sa nangyari last year, medyo iba yung last year, e. Galing ka ng pandemya, nasabik ang mga tao.
“And then may Dingdong-Marian ka, and so on and so forth. So maraming factors, e.
“I think ang importante, patuloy tayong lahat na magtulungan na gumawa ng marami pang mga pelikula.
“At patuloy tayong magtulungan na magkaroon ng mga film festival.”
PUREGOLD CINEPANALO FILMFEST
Ang second Puregold CinePanalo filmfest ay gaganapin sa Marso 14-25, 2025 sa Gateway Cineplex 18, Cubao, Quezon City.
Ang walong full-length entries ay ang mga sumusunod:
Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea, documentary ni Baby Ruth Villarama.
Co-Love ni Jill Singson Urdaneta, bida sina KD Estrada, Alexa Ilacad, Jameson Blake, at Kira Balinger.
Journeyman nina Christian Paolo Lat at Dominic Lat, bida sina JC Santos at Jasmine Curtis-Smith.
Tigkiwili ni Tara Illenberger, bida sina Ruby Ruiz, Gabby Padilla, at Julian Paul Larroder.
Sepak Takraw ni Mes de Guzman, bida sina Enzo Osorio, Ruby Ruiz, Nicollo Castillo, at Acey Aguilar.
Salum ni TM Malones, bida sina Allen Dizon at Christine Mary Dimsisip. Fleeting ni Catsi Catalan, bida sina Janella Salvador at RK Bagatsing.
Olsen’s Day ni JP Habac, bida sina Khalil Ramos, Romnick Sarmenta, at Xander Nuda.