QUICK FACTS: What you need to know about Acts of Lasciviousness

Usap-usapan ngayon ang pagsasampa ng acts of lasciviousness complaint ni Rita Daniela laban sa komedyanteng si Archie Alemania.

Ayon sa detalye ng complaint na isinampa sa Office of the Prosecutor sa Bacoor City noong October 30, 2024, binastos at hinipuan daw si Rita ng co-star niya sa Widow’s War.

Tanong ng mga netizens, bakit acts of lasciviousness ang isinampa ng aktres? Ano ang kaibahan nito sa sexual harassment?

FACTS OF THE COMPLAINT

Nangyari umano ang insidente matapos ang party Widow’s Web sa bahay ni Bea Alonzo sa Quezon City.

Lagpas madaling-araw na ng Lunes, September 9, natapos ang party. Nag-book daw ng Grab si Rita, pero pinilit siyang ihatid na lang ni Archie.

Habang umaandar pa lang daw ang sasakyan ay hinawak-hawakan na raw ni Archie si Rita sa leeg at balikat.

At pagdating ng sasakyan sa bahay nI Rita, pinuwersa siyang halikan at hipuan ng Bubble Gang cast member.

ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓

Sinubukan daw ng aktres na tumakas ngunit mahigpit siyang niyakap nito at patuloy pa ring hinalikan.

ACTS OF LASCIVIOUSNESS

Ayon sa Article 336 ng Revised Penal Code (RPC), ang acts of lasciviousness ay ang mahalay na panghihipo o paghawak sa private part ng isang tao.

Tatlo ang elemento na ginawang akto para matawag na acts of lasciviousness ang reklamo:

  • Una, dapat may pamumuwersang naganap laban sa biktima
  • Pangalawa, dapat ay may kahalayan na naganap na bunsod ng sexual desire ng suspek. Kung nanghipo ang suspek ngunit walang sexual desire, halimbawa, nanghipo lamang bilang panunukso o pagpapatawa sa pamamagitan ng pangigiliti, hindi ito pasok sa acts of lasciviouness
  • Pangatlo, dapat ay walang binibigay na consent o pagpayag ang biktima

Kung wala ang elemento ng sexual desire ay unjust vexation lamang ang maisasampang kaso.

Ayon pa nga sa RPC, may parusang pagkakakulong ng anim na buwan hanggang anim na taon ang aktong ito.

At dahil may puwersahang naganap sa kahalayang tinamo diumano ni Rita, pasok ang pangyayari sa acts of lasciviousness.

Ngunit bakit kaya hindi sexual harassment complaint ang kanyang isinampa?

SEXUAL HARASSMENT

Ayon sa Republic Act 7877, o ang Anti-Sexual Harassment Act of 1995, ang sexual harassment ay nangyayari sa lugar ng trabaho, edukasyon, training o ano mang parehong set-up.

Dagdag pa rito, may specific na professional relationship dapat ang mga taong sangkot sa pangyayari.

Ang suspek ay maaaring boss, manager, guro, o iba pang tauhan na may awtoridad o impluwensiya sa biktima.

Ayon pa sa RA 7877, nangyayari ang sexual harassment sa lugar ng trabaho kung ang paghingi ng sexual favor ay kapalit ng pag-usad sa trabaho o pananatili sa trabaho.

Sa lugar naman ng edukasyon o training ay nangyayari ito kung ang sexual favor ay magiging kapalit ng mataas na grado, pagpasa, graduation o iba pang tulad na sitwasyon.

Walang ganito sa sitwasyon ni Rita.

ARCHIE’S REPONSE

Sa ngayon, wala pang sagot si Archie sa complaint na isinampa ni Rita laban sa kanya.

Wala pa siyang ibinibigay na panayam sa media, at hindi pa rin siya nagsa-submit ng official response niya sa Office of the Prosecutor.

Tahimik din siya sa kanyang mga social-media accounts.

Bukas ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa panig ni Archie at anumang karagdagang pahayag ni Rita tungkol sa isyung ito.