Public attorneys office sa Cagayan Valley may sapat na kakayahan para maibigay ang pinakamahusay na serbisyo sa mga kliyente

Binigyang diin ng public attorneys office o pao sa Lambak Cagayan na ang mga abogado ng Public Attorney’s Office sa Region 2 ay may sapat na kakayahan upang maihatid ang pinakamahusay na serbisyo sa kanilang mga kliyente.

Sinabi ni Regional Public Attorney Jefferson Caro na karamihan sa mga abogado ng PAO Region 2 ay mula sa mga prestihiyosong law school na nagpapakita ng mahusay na serbisyo sa pagtatanggol sa mga nangangailangang kliyente.

Inihayag ni Atty. Caro na mayroon silang 102 na mga bata at mahuhusay na abogado mula sa mga prestihiyosong law school na handang maglingkod sa kanilang mga kliyente.

Ipinagmalaki rin niya na marami silang naipapanalong kaso kung saan patunay ang maraming acquittances at terminated cases na kanilang hinawakan lalo na sa drug cases.

Sinabi rin niya na ang kanilang mandato ay magsilbi bilang mga abogado para sa mga indigent na indibidwal nang libre.

Dagdag pa ni Caro na sinumang may net monthly income na hindi hihigit sa P24,000 mula sa highly urbanized na mga lungsod, hindi hihigit sa P22,000 mula sa ibang mga lungsod, at hindi hihigit sa P20,000 mula sa mga munisipalidad ay maaaring maka-avail ng mga serbisyo ng PAO.

Aniya, kinakatawan ng mga abogado ng PAO ang kanilang mga kliyente sa mga kasong kriminal at sibil, at gayundin sa mga kaso ng repormang agraryo.