Pintor nagbenta ng shabu, arestado sa buybust

CAUAYAN CITY- Nadakip ang isang indibidwal sa ikinasang anti-illegal drug buy-bust operation ng mga otoridad sa Purok 1, Barangay Bonfal West, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Ang suspek ay si Xylon Kinonde, lalaki, 25-anyos, pintor, at residente ng Barangay San Nicolas, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa mga kapulisan, ang suspek ay matagumpay na nahuli matapos magbenta ng shabu sa isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska mula sa pag-iingat ng suspek ang isang maliit na pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 0.8 grams at may standard drug price na P5,440.

Anim pang maliliit na pakete na naglalaman ng shabu na may timbang na 2 grams, may standard drug price na P13,600 ang nakumpiska sa kanyang pag-iingat.

Sa ngayon ang suspek maging ang nakumpiskang ebidensya ay nasa kustodiya na ng Bayombong Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.