Pilipinas today:

Desidido si ACT Teachers Party-List Rep. France Castro na tutulan ang mahigit P2-bilyon budget na hinihiling ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2025, partikular na ang pondong inilaan ni Vice President Sara Duterte sa social aid.

Ito ay mag-isyu ang Commission on Audit (COA) ng notice of disallowance—o nagsasabing mali ang paggamit kaya kailangang isauli—sa P73 milyon mula sa confidential funds ng OVP, na ipinambili ng mga pagkain at gamot, na hindi tamang paglaanan ng pera mula sa confidential funds.

“Given the previous misuse of confidential funds, we must ensure that public funds are allocated and utilized properly. Hindi natin pwedeng payagan na maglaan ng hiwalay na budget para sa social services sa isang opisina na may kaduda-dudang track record,” sabi ni Castro.

Sa budget briefing ng Kamara nitong Agosto 27, bigong ipaliwanag, dahil tumatanggi mismo si Duterte, na sabihin kung paano nito ginastos ang pondo ng OVP noong 2022. Umayaw din ang Bise Presidente na idepensa ang 2025 budget ng kanyang tanggapan.

“How can we, as lawmakers, justify giving her more funds when she cannot even account for the money she has already spent? Again, this is not about ‘politicizing’— ito ay tungkol sa pagprotekta ng pinaghirapan, pinagtrabahuan at pinagpawisang pera ng bawat Pilipino,” giit ni Castro.

Ayon kay Castro, kung social services lang din ang pagkakagastusan ng OVP sa bulto ng hinihinging budget nito para sa susunod na taon, bakit hindi na lang daw ilaan ang parehong halaga sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na siyang lehitimo at pangunahing nakatoka sa pagkakaloob ng social aid sa mga Pilipino.

Ipagpapatuloy ng Kamara ang budget deliberation para sa OVP sa Setyembre 10.

#PilipinasToday
#VPSaraDuterte
#SaraDuterte
#Duterte