Pilipinas today:

Sa layuning umagapay sa pinansiyal na pangangailangan ng mga senior high school students sa bansa, inilunsad ni House Speaker Martin Romualdez nitong Agosto 30 ang ‘Tulong Eskwela Program,’ kung saan pinangunahan niya ang pamamahagi ng paunang cash grant na P5.28 bilyon para sa 1.3 milyong magulang ng mga senior high school students mula sa 220 iba’t ibang lugar sa Pilipinas.

Ayon kay Speaker Romualdez, makakatulong ang cash aid sa mga magulang na naghihikahos na gastusan ang pangangailangan sa eskuwela ng kanilang mga anak, lalo sa mga nasa senior high school level na.

Naipamahagi sa bawat isa sa 220 lugar ang cash aid sa 3,000 benepisyaryo ng Ayuda para sa Kapos Ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at 3,000 benepisyaryong mga magulang sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay Sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa kabuuan, humigit-kumulang 660,000 magulang ang tatanggap ng tig-P3,000 mula sa AKAP at 660,000 pa ang tatanggap ng P5,000 na tulong-trabaho ng TUPAD, sa sabay-sabay na seremonyang gaganapin mula Agosto 30 hanggang 31.

“Simula pa lamang ito ng isang programang balak nating gawing pangmatagalan. Sa mga magulang ng ating mga senior high students, nawa’y maitawid natin sa tagumpay ang ating mga minamahal na anak. Kasama nyo ang pamahalaan sa pag-abot ng tagumpay,” dagdag ng House leader.

#PilipinasToday
#MartinRomualdez
#Duterte