Pamilihan ng mga appliances sa Alicia Isabela nasunog

CAUAYAN CITY – Nasunog ang isang pamilihan ng mga appliances sa Alicia Isabela ngayong gabi.

Batay sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Bureau of Fire Protection o BFP Alicia, ang nasunog na gusali ay ang S&J Marketing sa Magsaysay, Alicia, Isabela.

Unang nakatanggap ng tawag ang kanilang himpilan tungkol sa nasusunog na gusali na agad nilang nirespondehan.

Batay sa impormasyon, 5:30PM nang mag-umpisa ang sunog.

Bahagya namang nahirapan ang mga personnel ng BFP na pasukin ang establisimento dahil sa saradong garage door nito.

Dahil malaki na ang sunog ay kinailangan ng BFP Alicia ang tulong ng BFP Cauayan, BFP Angadanan at BFP Echague.

Ayon sa BFP mabuti na lamang at may firewall na nagsilbing harang upang hindi lumipat sa katabing building ang sunog at agad ding nacontain ang apoy sa loob ng establisimento.

Nagdulot naman ito ng pagsikip ng daloy ng trapiko sa lugar dahil sa mga fire truck na umapula sa sunog kaya kinailangang I-divert ng mga kasapi ng Alicia Police Station ang mga dumadaang motorista sa Alicia Bypass Road.

Alas otso kwarenta ng gabi nang ideklarang fire out ang sunog.

Patuloy ang imbestigasyon ng BFP sa pinagmulan ng sunog at inaalam din ang halaga ng natupok ng apoy dahil ang laman ng gusali ay mga appliances.