Pagtataas sa parking rate ng NAIA dapat munang pag-aralan at ikonsulta sa mga apektadong pasahero at empleyado – Think tank

Nanawagan ang isang think-tank sa pamunuan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) patungkol sa pagpapatupad sa parking rate hike sa paliparan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Terry Ridon, Convenor ng InfraWatchPH, sinabi niya na dapat munang pag-aralan ng mabuti ng bagong pamunuan ng NAIA ang pagpapatupad sa parking rate hike lalo na at sinasabing hindi pa ito ikinunsulta sa mga empleyado at mga taong talagang gumagamit sa parking space ng airport.

Epektibo nitong unang araw ng Oktubre, ang overnight o 24-hour parking fee para sa mga sasakyan ay tumaas sa P1,200 mula sa kasalukuyang P300.

Para sa short-term parking, tumaas ang bayad sa P50 sa unang dalawang oras at P25 sa bawat succeeding hour, mula P40 sa unang tatlong oras at P15 sa bawat succeeding hour.

Ayon kay Atty. Ridon napakataas nito lalo pa at wala pang inilalatag na capital expansion o upgrade ang pamunuan sa kanilang parking space.

Kung ikukumpara sa mas magandang mga paliparan ng ibang bansa ay mas mataas pa ang parking rate ng NAIA na nahuhuli naman kung magandang pasilidad ang pag-uusapan.

Maituturing din umano itong detrimental at unreasonable sa publiko at labag sa public policy.