P-pop star JL Gaspar to debut in global boy group AHOF
Kabilang ang Filipino singer na si JL Gaspar sa bagong K-pop group na ilulunsad matapos manalo ang kinabibilangan niyang team, ang Rhythm, sa Universe League.
Ang Universe League ay South Korean reality competition series ng major TV network na SBS.
Live na umere ang finals ng Universe League nitong Biyernes ng gabi, January 24, 2025.
Rread: Stray Kids successfully stages dominATE concert tour in Bulacan
Ang Rhythm ang nakapagtala ng pinakamaraming online votes na pinagbasehan kung anong team ang mananalo at magde-debut.
Ang second place ay ang Team Groove, at third place naman ang Team Beat.
Ang lahat ng pitong miyembro ng Rhythm ay awtomatikong magiging miyembro ng boy group na AHOF (All-time Hall of Famer).
Kasama nilang magde-debut ang top placers sa Groove at Beat, kaya sa kabuuan ay siyam ang miyembro ng AHOF, pronounced as ah-hope, na hango sa Korean word na ang ibig sabihin ay nine.
Ang Team Rhythm ay nakalikom ng kabuuang online votes na 4,378,961.
Pumangalawa ang Groove na mayroong 1,239,132 online votes, habang ang third placer na Beat ay nakakuha ng 965,871 online votes.
Ang malaking dahilan ng pagkapanalo ng Team Rhythym, by a mile, ay ang napakalaking online votes na nakuha ni JL — 3,168,841 o higit pa sa pinagsamang boto ng buong Groove at Beat teams.
Napakalaki rin ng agwat ng boto ni JL sa ibang contestants.
Kasama ni JL na magiging miyembro ng AHOF ang teammates niya sa Rhythm na sina Steven (313,965 votes), Zhang Shuaibo (246,615), Park Ju Won (225,105), Seo Jeong Woo (173,779), Chih En (146,731), at Daisuke (104,925).
Ang nanguna naman sa Team Groove ay si Park Han na may 504,261 online votes.
Habang si Chang Woong Ki ang top placer sa Team Beat matapos makakuha ng 667,202 votes.
Silang siyam ang bubuo ng global group na AHOF.
Sa siyam na miyembro ng AHOF, apat ang South Korean (Park Ju Won, Seo Jeong Woo, Park Han, at Chang Woong Ki), isang Chinese (Zhang Shuaibo), isang Taiwanese (Chi En), isang Japanese (Daisuke), isang Australian-Korean (Steven), at isang Filipino (JL).
THE FINAL WAR
Sa Final War na ginanap kagabi, nag-perform ang tatlong teams ng tigdadalawang original songs.
Ang Rhythm, na kilala bilang performance team, ay pinerform ang mga kantang “Tag” at “La Fiesta.”
Ang kanilang directors o mentors ay sina Ten at Yangyang, na mga miyembro ng Chinese boy band na WayV.
Ang Groove, na kilala bilang vocal group, ay kinanta ang “Universe” at “Same To You, Same Place.”
Ang kanilang director ay si Lee Chang Sub ng BTOB
Ang Beat naman ay pinerform ang mga awiting “Sunset In The Sky” at “Dreaming.”
Ang kanilang directors ay ang GOT7 member na si Yugyeom at ang composer na si El Capitan.
UNIVERSE LEAGUE format
Ang 42 trainees na lumahok sa Universe League ay hinati sa tatlong grupo— tig-14 bawat team.
Ang directors ng tatlong teams ang pumili kung sino ang makakabilang sa kanilang grupo — pitong starting players at pitong bench players.
Sa loob ng tatlong buwan ay sumailalim ang players sa iba’t ibang challenges, kung saan pinagtapat ang bawat teams, upang malaman kung sino ang magwawagi ng PRISM Cup.
At sa huli nga ay ang Team Rhythm ang nanaig.
Si Jay Park ang host ng Universe League.
WHO IS JL GASPAR
Sa simula pa lang ng Universe League ay paborito na ng directors at global fans si JL dahil sa pagiging all-around performer nito at kakaibang charm.
Sa 42 trainees ay siya lamang ang pinili ng lahat ng directors ng tatlong teams bilang kanilang Top Pick, kaya binansagan siyang “3Pick.”
Ngunit sa huli, ang pinili ni JL ay ang Team Rhythm.
Maliban sa unang challenge, si JL ang nanguna pagdating sa online votes na naging malaking dahilan kung bakit nanguna sa huli ang Team Rhythm.
Bago sumali sa Universe League, ang 20-year-old na si JL ay miyembro ng P-pop group na PLUUS, na nasa ilalim ng pamamahala ng SBTown.