Nora Aunor, tatakbo bilang second nominee ng isang bagong party-list group

Tatakbo si Superstar at National Artist Nora Aunor bilang second nominee ng bagong tatag na People’s Champ party-list.

Sa kanyang talumpati matapos na maghain ng certificate of acceptance of nomination kahapon, sinabi ng 71 taong gulang na National Artist na gusto niya ring makatulong sa bansa, lalo na sa mga kasamahan niya sa industriya ng musika, industriya ng puting-tabing, at sa entablado.

Pinasalamatan din niya ang People’s Champ Party-list dahil sa sila umano ang nakiusap sa kanya na tulungan siya para matupad ang kanyang pangarap na makatulong sa ating mga kababayan.

Hindi ito ang unang pagkakataong tinanggap ni Nora ang nominasyon para maging kinatawan ng isang party-list.

Siya ang kinatawan ng NORAA Party-list o National Organization for Responsive Advocacies for the Arts sa halalan noong Mayo 2022.

Pero hindi siya pinalad na manalo.

Minsan na ring sinubukan ni Nora na kumandidatong gobernador ng Camarines Sur noong 2001, subalit muli siyang nabigo.