Mga katolikong pinoy sa Papua New Guinea ‘Spiritually blessed’, matapos makita ang Santo Papa
Umabot sa higit tatlumpung libong deboto ang dumalo sa misa na pinanguluhan ni Pope Francis sa Papua New Guinea.
Nasa naturang bansa ang Santo Papa para sa kaniyang 12-araw na paglilibot sa Southeast Asia at Oceania.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Annie Jone Delosa na hindi lamang local citizens ng Papua New Guinea ang nakiisa sa pagdiriwang kundi pati na rin ang mga foreign nationals mula sa Vietnam, Indonesia, Japan at iba pa.
Kahapon ay nagkaroon ng pagkakataon ang Santo Papa na makihalubilo sa mga street children at pagkatapos ay nakipag-pulong ito sa mga Religious Institute ng naturang bansa.
Bukas, ika-siyam ng Setyembre ay magkakaroon ng Youth Encounter si Pope Francis na magsisimula bandang alas singko ng umaga sa Sir John Guise Stadium.
Inaasahan namang dadalo ang nasa mahigit dalawang libong youth participants sa nasabing aktibidad.
Samantala, bilang isang pilipinong katoliko ay isang karangalan umano para kay Delosa ang makadaupang palad ang Santo Papa.
Hindi na umano niya napigilan ang maluha nang huminto sa kaniyang harapan si Pope Francis dahil damang-dama umano niya ang kabanalan nito.
‘Spiritually blessed’ umano siya na mabigyan ng pagkakataon na masilayan ang Santo Papa kaya naman wala aniyang mapagsidlan ang kaniyang kaligayahan.