
Mga Dating Panayam ni Ivana Alawi Binalikan; ‘Ang Tingin Nga Nila Ay Easy to Get Ako. Pero..’
Muling napunta sa sentro ng atensyon ang pangalan ng aktres at content creator na si Ivana Alawi matapos siyang madawit sa isang kontrobersyal na isyung may kinalaman sa hiwalayang kinakaharap ng mag-asawang Cong. Albee Benitez at ang kanyang legal na asawa na si Dominique “Nikki” Benitez.
Ayon sa inilabas na reklamo ni Nikki na isinampa sa ilalim ng Republic Act 9262 o ang batas laban sa karahasan sa kababaihan at mga bata (VAWC), isinangkot niya si Ivana bilang diumano’y karelasyon ng kanyang hiwalay na asawa. Ito ay mabilis na naging usap-usapan sa social media at showbiz news sites, kung saan ang pangalan ng Kapamilya star ay lumutang bilang isang “third party” umano sa pinagdaraanang marital issue ng mag-asawa.
Sa kabila ng maiinit na espekulasyon, nananatiling tikom ang bibig ni Ivana ukol sa nasabing kontrobersya. Kahit pa laganap ang balita at kaliwa’t kanan ang opinyon ng publiko, tila piniling manatiling tahimik ni Ivana at hindi na lang patulan ang mga paratang. Habang ang kampo nina Cong. Albee at Nikki ay abala sa legal na usapin, nanatiling kalmado at walang pahayag ang kampo ng aktres.
May ilang tagasuporta at netizens ang nananawagan kay Ivana na magsalita upang ipagtanggol ang sarili, lalo na at napapasama ang kanyang pangalan sa isang sensitibong usapin. Ngunit base sa ilang panayam, ipinahayag ng aktres ang kanyang pananaw hinggil sa mga panghuhusga at negatibong komento sa social media.
Sa panayam ng ilang miyembro ng entertainment press, sinabi ni Ivana na hindi na siya nag-aaksaya ng oras sa pag-react sa mga bashers o kritiko.
“Wala naman akong pakialam sa bashers. Deadma. Kung gusto nilang mang-bash, deadma. Wala ka namang magagawang perfect para sa kanila,” matapang na pahayag ng aktres.
Ayon pa sa kanya, mas pinipili niyang ituon ang atensyon sa mga taong tunay na nagmamahal at sumusuporta sa kanya, kaysa sagutin ang mga walang basehang akusasyon online.
“Ang iniisip ko ay ‘yung mga nagmamahal sa akin at kung paano ako makakatulong sa iba. Sa bashers, wala akong panahon,” dagdag pa niya.
Bukod dito, nilinaw rin ni Ivana na siya ay kasalukuyang walang karelasyon. Sa mga tanong tungkol sa kanyang love life, diretsahan niyang sinabi na “single” siya at prayoridad niya sa ngayon ang kanyang trabaho.
“Trabaho muna. Wala lang siguro akong oras sa love life ngayon,” aniya.
Dagdag pa niya, taliwas sa iniisip ng iba, hindi siya madaling mapasagot sa panliligaw.
“Ang tingin nga nila ay easy to get ako. Pero ang totoo, hindi nila ako nage-get. Wala namang kailangang gawin pero ‘yung effort pa rin sa panliligaw.”
Binigyang-diin din ni Ivana ang kahalagahan ng opinyon ng kanyang pamilya pagdating sa mga lalaki sa kanyang buhay.
“Siguro ‘yung mahal ng pamilya ko kasi kung hindi kasundo ng family ko baka hindi rin kami mag-work. Importante sa akin ang suggestion ng kapatid ko, ng mama ko,” ani Ivana.
Habang patuloy pa ring pinag-uusapan ang isyung kinasasangkutan ng mag-asawang Benitez, nananatiling kalmado at hindi nagpapadala sa gulo si Ivana. Sa halip na pumatol, pinili niyang ituon ang kanyang atensyon sa mas makabuluhang bagay—trabaho, pamilya, at mga taong totoong nagmamalasakit sa kanya.
Source: Mga Dating Panayam ni Ivana Alawi Binalikan; ‘Ang Tingin Nga Nila Ay Easy to Get Ako. Pero..’