Martin del Rosario happy to take on good-guy role again

Miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang papel ni Martin del Rosario sa pelikulang Beyond The Call Of Duty.

Hindi ito ang unang beses na gumanap siya bilang pulis.

“Marami-rami na. Actually, yung Anino Sa Likod Ng Buwan [stage play], sundalo naman ako dun,” bungad ni Martin.

For a change, ang role niya ay hindi gaya ng kinaiinisang kontrabida sa ongoing Kapuso prime-time series na Lolong.

At na-enjoy daw ni Martin na gampanan ang karakter ni Ricky Mapa sa upcoming film niya.

“Ako naman, gusto ko talagang mag-portray ng mga roles na hinahangaan, yung kapita-pitagan.

“Nagkakataon lang napupunta lang talaga ako sa mga kontrabida roles nitong mga previous projects ko.

“Pero excited akong maging mabait, maging honorable ulit. Feeling ko mas ano ko naman talaga iyan, mas gusto ko, mas gusto kong gawin,” ang nakangiting wika pa ni Martin.

Noong bata ba siya ay naging pangarap niyang maging pulis o sundalo?

“Noong bata ako, gusto ko dati maging piloto,” sagot ni Martin.

Bakit hindi niya itinuloy na maging pilot?

“Kasi nag-artista na ako,” simpleng sagot niya.

EXTRA EFFORT FOR ACTION AND COMEDY

Versatile actor si Martin. Kahit saan siya ilinya—comedy, kontrabida, action, o sexy—kaya niyang gampanan.

“Yung drama kasi, parang ilang years naman na akong dramatic actor.

“Tapos kung dun sa mga sexy scenes naman, hindi naman siya talaga pina-plan, e. More on kailangan ninyo lang i-assure ng ka-partner mo yung respect sa isa’t isa.

“Kumbaga, ‘Ito okay lang ba gawin ko ito sa iyo? Itong action na ito, hindi ka ba ma-offend?’

“Once na yung ka-partner mo, very open, alam niyo yung gagawin sa isa’t isa, may respeto, wala naman masyadong problema yung mga sexy scenes.”

Pero pinakahamon daw sa kanya ang action at comedy.

“Ang ano ko is sa action. Ano kasi ako, e, gusto ko inaaral bawat step.

“Hindi kasi ako natural dancer, so yung mga steps, like yung, kunwari dito sa Lolong, yung mga sapakan.

“Iyan, nagpapa-call ako nang mas maaga sa production para lang mas maaral ko nang maayos yung mga action numbers.

“Comedy naman, feeling ko kasi ang isang comedian, pinanganak na iyan na skill, e, may natural talent ang pagiging mabilis, pagiging witty, yung mga ganyan.”

martin del rosario open to becoming a housemate

Bongga ang collaboration ng GMA at ABS-CBN sa ongoing reality franchise show na Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition.

Bilang dating Kapamilya at ngayon ay Kapuso artist, ano ang nararamdaman niya na mas lalong solid ang partnership ng GMA at ng ABS-CBN?

Sagot ni Martin: “Masaya! As an actor, parang feeling ko, kaming mga artista, mas marami kaming mga opportunities na makukuha kapag maraming mga ganitong mga collaborations na gagawin ang ABS, GMA, or even TV5, ganyan.

“Kasi ako, naranasan kong maging Kapamilya, ngayon Kapuso ako, so, masaya ako na finally, nagsasama na sila.”

Hindi pa naranasan ni Martin maging housemate.

Payag ba siya sakaling ipasok siya sa Bahay Ni Kuya?

“Oo naman. Why not?” mabilis na sagot ni Martin.

BEYOND THE CALL OF DUTY CREATORS AND STARS

Samantala, ang Beyond The Call Of Duty ay pelikulang tungkol sa buhay ng mga pulis at bumbero dito sa ating bansa.

Bukod kay Martin, ang mga bumubuo ng cast ng pelikula ay sina Jeffrey Santos, Teejay Marquez, Martin Escudero, Paolo Gumabao, Maxine Trinidad, Bella Thompson, at Mark Neumann.

Kasama rin sina Lance Lucido, Devon Seron, Alex Medina, Migs Almendras, Rob Sy, Lovely Rivero, Sharmaine Suarez, Tyke Sanchez, Simon Ibarra, at Christian Singson.

Ang direktor ay si Jose “JR” Olinares, na supervising producer rin ng pelikula.

Sina Luis “Chavit” Singson at anak nitong si Stephanie Singson ang mga executive producers sa ilalim ng production company nilang LCS Film Production.

Si Billy Ray Oyanib ang co-director, si Eldrin Veloso ang may gawa ng screenplay, at si Sam Faj Calaca ang tumatayong line producer.

Katuwang nila sa pagbuo ng pelikula ang Philippine National Police, Philippine Public Safey College, Bureau of Fire Protection, at ang PNP Officers Ladies Club Foundation, Inc.

Ang PinoyFlix Films and Entertainment Production ang nag-release ng Beyond The Call of Duty sa mga sinehan simula noong June 4.

Source: Martin del Rosario happy to take on good-guy role again