Lorna Tolentino sinagot ang pagkaka-link kay Lito Lapid

Inilunsad ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang Troika Talk, ang web show ng PEP Troika, ngayong September 14, 2024.

Ang PEP Troika ay binubuo ng mga beteranong entertainment journalists na sina Gorgy Rula, Noel Ferrer, at Jerry Olea.

Seven years after mai-launch ang column nila sa PEP, mapapanood na rin ang tatlo sa YouTube at iba pang video channels ng entertainment website every Friday.

Photo of Troika

Nag-premiere na ang The Troika Talk Sa PEP TV. Photo: PEP.ph

Bago sumalang ang tatlo, nagkaroon muna ng “pre-prod” slash tsismisan at kuwentuhan about mga kaganapan sa showbiz at maging sa health with PEP executive editor Karen Caliwara at associate editor- multimedia na si Rommel Llanes.

Gumawa ang huli ng sequence guide.

Pero nung nagsimula na ang shoot, parang anything goes ang nangyari dahil naging spontaneous ang pag-uusap, but somehow, seamless pa rin ang flow.

Walang lull. Walang nag-buckle. Walang take two.

Narito ang highlights.

LORNA TOLENTINO, MADALAS MAGING SECOND CHOICE

Nakapanayam nina Gorgy, Noel, at Jerry ang multi-awarded at veteran actress na si Lorna Tolentino.

Bida si Lorna sa horror movie na Espantaho kasama si Judy Ann Santos.

Lorna Tolentino in a scene from Espantaho

Si Lorna Tolentino ang isa sa mga bida sa pelikulang Espantaho. Photo: Lorna Tolentino Facebook

Alam ni Lorna na ang naturang pelikula ay unang inialok sa Star for All Seasons na si Vilma Santos.

Aniya, “Oo, aware naman ako. Ahm, kalimitan masaya yung pag second choice ka.

“Sa mga artists, kapag inaano nila, ‘Ako yung second choice…’”

Ibig sabihin ay masaya dahil ito ang napiling kapalit.

Pagtatapat pa niya, “Sa Moral naman, hindi ako yung [first choice]. Ang dami kong pelikulang hindi ako ang first choice.”

Nagulat ang PEP Troika sa rebelasyon niya tungkol sa 1982 film na pinagbidahan din nina Gina Alajar, Sandy Andolong, at Anna Marin.

Dugtong ni Lorna, “Oo, second choice ako. Like Moral, kay Amy Austria talaga yun. Napunta sa akin.

“May mga iba pa, Sinasamba Kita. Bagong artista yun, e, [ang unang inalok].”

Birong singit ni Gorgy, “Leila Hermosa?”—na sumikat noong 1970s.

“Hindi, pero L din ang simula ng pangalan niya pero bago siya. And with Ate Vi yun.

“Tapos hanggang hindi umubra yung girl na bago, ako na yung pumalit. Second choice.

“Masaya… masaya yung second choice.”

Nagpasalamat din siya kay Ate Vi.

Paliwanag pa ni Lorna, “Kaya lang naman niya hindi natanggap kasi may ginagawa rin siyang pelikula.

“It’s not because hindi okay o ayaw niya. It’s just talagang mayroon pa siyang ginagawa na isa na magkakasabay, na which is mahihirapan siya.

“Hindi pa kami nagkita ni Ate Vi, pero I’m sure naman okey sa kanya yun. Walang magiging problema.

“Kahit naman ako, napupunta sa iba [yung project], okay lang din sa akin.”

PEP Troika Talk’s first episode, may phone patch sa nag-iisang Lorna Tolentino, na inusisa tungkol sa kanyang puso.; may blind items pa!

Video: Rommel Llanes.

KUMUSTA NA ANG PUSO NGAYON Ni LORNA TOLENTINO?

Nabanggit kay Lorna na sa Mexico, Pampanga, ginaganap ang shooting ng Espantaho.

Inusisa siya kung totoong maraming nagpapadala sa kanya ng masasarap na pagkain.

Ani Lorna, “Hindi lang pagkain.”

Biro ng Troika, may dumarating daw bang pagkain mula sa Senate.

Sagot niya, “Bakit naman kinakailangang mag-ganern?”

Naitutukso kasi ngayon si Lorna kay Senator Lito Lapid, na co-star niya sa FPJ’s Batang Quiapo.

Lorna Tolentino and Lito Lapid

Sina Lorna Tolentino at Lito Lapid sa isang eksena sa FPJ’s Batang Quiapo. Photo: PEP.ph

Paglilinaw niya, “Mga kumare’t kumpare ang nagpapadala [ng pagkain].

Tanong naman sa kanya ni Noel, “Naku, LT, tatakbo ka ba sa eleksiyon? Makikita ka ba sa eleksiyon, kakampanya?”

Aniya, “Hindi. Hindi po ako tatakbo.”

Nang tanungin naman kung kakampanya siya, aniya, “Tutulong. Tutulong ako.”

Sabi ng Troika ay ire-rephrase na lang daw ang tanong: Kumusta ang puso mo ngayon?

Sagot ni Lorna, “Okay naman ang puso ko. Umiinom pa rin ako ng maintenance sa puso.”

Komento ng Troika, “Ang safe ng sagot.”

Sinabi rin ng mga ito na masaya sila kapag masaya ang puso ni Lorna.

Sambit naman ng aktres, “Saging lang ang may puso.”

Na ikinabulalas ng tawa ng Troika.

Biro ni Gorgy, “Ginamit mo yung sikat na linya nung anak.”

Ani Lorna, “Ay, talaga? Sorry, hindi ako masyadong updated.”

Ang linyang “Saging lang ang may puso” ay sinambit ni Mark Lapid sa 2006 movie na Apoy sa Dibdib ng Samar.

Ayon kay Lorna ay maraming gumagawa ng videos regarding Batang Quiapo tungkol sa mga love teams sa serye.

Ang kanila ni Sen. Lapid ay tinawag na PriManda mula sa kanilang mga pangalan sa serye na Primo at Amanda.

“So, natutuwa ako na puwede pa ako sa love team.”

Binanggit din niya na sa serye ay sakop ang mga love teams mula sa mga bagets hanggang sa mga karakter nina Jaime Fabregas at Charo Santos na Facundo at Tindeng para patunayang anumang edad ay maaaring umibig at magmahal.

Sa huli ng panayam sa kanya, nag-iwan si Lorna ng isang makahulugang linya.

Aniya, “Wala naman kasing pagkakamali sa pag-ibig.”