Liderato ng Police Regional Office (PRO) 2, magkakaroon ng pagbabago

Itatalaga bilang bagong Director ng Police Regional Office (PRO) 2 si PBGen. Antonio Marallag Jr. habang itatalaga naman bilang direktor ng Philippine National Police Academy (PNPA) ang outgoing PRO2 direktor na si BGen. Christopher Birung.

Ayon kay PMaj. Sharon Malillin, tagapagsalita ng PRO2, ang pagpapalit ng liderato ay bahagi ng regular na reassignment ng mga regional director.

Aniya, si BGen. Birung ay nag-apply para sa kanyang bagong posisyon sa PNPA bilang bahagi ng kanyang promosyon patungo sa rangkong Police Major General.

Sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao ay ibinahagi ni Mallilin ang mga nakamit sa pamumuno ni BGen.Birung kung saan isa na dito ang
pagbaba ng crime rate ng 4.10%. Ilan rin sa mga ito ay ang pag-aresto sa mga itinuturing na top most wanted individuals at matagumpay na pagsilbi ng mga warrant of arrest.

Sa kabuuan, ang PRO2 ay kinilala bilang may pinakamataas na bilang ng mga naaresto sa lahat ng rehiyon, na umabot sa 987 katao mula sa 847 police operations kasama na dito ang pagkakakumpiska ng 56 milyong pisong halaga ng shabu at 33 milyong pisong halaga ng marijuana.

Sa larangan ng anti-insurgency at terrorism, 114 na dating rebelde ang sumuko, habang 240 indibidwal ang naaresto mula sa kabuuang 1,837 operasyon. Sa kampanya naman laban sa loose firearms, umabot sa 1,274 ang mga nasurrender sa mga police station.

Dahil dito ay nakakuha ng positibong feedback mula sa komunidad ang mga programa ng PRO2 na naglalayong mapabuti ang seguridad sa mga lokal na lugar.