Lani Mercado-Revilla reveals beauty secret

Parang hindi tumatanda ang Cavite Second District Representative na si Lani Mercado-Revilla nung makita siya ng ilang entertainment press noong September 10, 2024 sa courtesy call ng officers ng TEAM (The Entertainment Arts And Media Inc.) sa tanggapan ni Senator Bong Revilla sa Senado.

bong revilla and lani mercado
Senator Bong Revilla and wife, Rep. Lani Mercado-Revilla

Photo/s: Noel Orsal

Binigyan din ng TEAM ang mag-asawa ng isang plaque of appreciation bilang pasasalamat sa matagal nang pagsuporta nito sa kanilang grupo.

Sa kanyang edad na 56 anyos, maganda ang aura ni Cong. Lani – makinis ang balat, walang makikitang wrinkles, maamo ang mukha at maayos manamit.

Mahirap tuloy paniwalaan ang kanyang pag-amin na wala siyang masyadong regimen sa katawan.

Anong nga ba ang beauty secret ni Cong. Lani?

Nakangiting sagot nito, “Si Senator Bong. Bale ano, happy lang. Happy inside and out. Iyan ang sikreto.

“Enjoy lang ang buhay. Kapag nagtatrabaho ka at tumutulong ka sa tao, ang sarap ng pakiramdam.

“Nakakapagpaligaya ka ng tao through movies, television, public service, yung mga batas na ginagawa natin na nakakatulong sa kanila.”

Matagal na rin daw kasi silang nagsasama ni Senator Bong Revilla at sa 38 years nila bilang mag-asawa ay masaya sila sa kanilang pagsasama.

Hindi rin naman daw nawawala yung mga tampuhan, at yung pagtatalo raw ay natural lang sa mag-asawa.

LANI ON KEY TO SUCCESSFUL MARRIAGE

Ano nga ba ang sikreto ng kanilang successful marriage?

Lahad niya, “We are married for 38 years this year.

“Basta nagkakaintindihan kaming dalawa, yun ang mahalaga. We understand each other.

“May arguments pero hindi na ganun kabigat. Nasa mid-life na kami, yung sense of maturity namin mataas na.”

Paano kapag nagkakaroon kayo ng tampuhan?

Sagot niya, “Hindi na namin pinapahaba.”

“Tsaka may extra effort kami to look good for each other.”

Pareho silang busy bilang mga pulitiko sa Congress at Senate. May time pa rin kaya sila sa kanilang sarili or nagde-date pa rin ba sila?

Saad niya, “Actually, sometimes, ang trabaho namin yun minsan ang date namin.

“Yun na yun, we take advantage. Kunyari may nag-invite sa amin ng wedding na dalawa kaming nandun, parang tine-take advantage na date na namin yun.

“We don’t look at it as work, we take advantage of our every moment together.”

LANI ADMITS MISSING SHOWBIZ PROJECTS

Kadalasan ang artista, kapag pumasok sa larangan ng pulitika ay nase-set aside ang showbiz. Ganito rin ba ang naranasan ni Cong. Lani?

Pag-amin niya, “Ako na yung example na yun. Nagkaroon ng priority talaga ang public service para sa akin nung naging mayor ako kasi 24/7 job siya, tapos panahon pa ng COVID.”

Dahil matagal-tagal na ring walang showbiz project si Cong. Lani, tinanong naming siya kung hindi ba niya ito nami-miss. Wala bang mga plano?

Agad niyang sagot, “Showbiz? Wala pa. I’m focused on my job sa congress.”

Inamin din niyang naghihintay lang din siya ng mga interesting offer.

LANI LOOKS FORWARD TO ‘BEST CHRISTMAS GIFT’ THIS YEAR

At dahil malapit nang mag-Pasko, ano ang plano ng kanyang pamiya sa darating na Christmas Season?

Excited na sagot ni Ms Lani. “Ay, I’m waiting for the arrival of our latest apo! On December, iyan ang aking latest project. Kay Gianna, yung kinasal naming daughter.”