Lalaki patay nang mabagsakan ng kable ng kuryente sa Cagayan

Nasa isang punerarya na ang isang lalaki na namatay matapos na makuryente kaninang umaga sa Barangay Tangatan, Santa Ana, Cagayan.

Sinabi ni PCPL Olivar Pacis ng PNP Santa Ana, batay sa imbestigasyon, sakay ng motorsiklo ang biktima na si Benjoe Castrence, 25 anyos, residente ng nabanggit na barangay at pauwi na sa kanilang bahay mula sa kanyang trabaho sa isang casino nang tumama sa kanya ang bumagsak na kable ng kuryente sa kanyang leeg, na nagbunsod din ng pagkakatumba ng kanyang motor.

Dinala ang biktima sa isang ospital, subalit idineklara siyang dead on arrival ng umasikasong doktor, at batay sa pagsusuri, pagkakakuryente ang sanhi ng kanyang pagkamatay.

Ayon kay Pacis, posibleng natanggal ang kable mula sa poste ng kuryente bunsod ng malakas na hangin dahil sa bagyong Julian.