Lalaki, nagbigti sa sala ng kanilang bahay

Nagbigti umano ang isang lalaki sa bayan ng Gattaran, Cagayan gamit ang isang nylon rope sa mismong sala ng kanilang bahay.

Sinabi ni PSSG Nilert Galla ng PNP Gattaran, agad na nagtungo sa Barangay Palagao ang mga pulis matapos na itawag ng kapitan sa nasabing lugar ang pagbigti umano ni alyas Paulo, 36 anyos, isang tricycle driver at tubong Pangasinan.

Ayon sa kanya, pagdating ng mga pulis, naibaba na mula sa pagkakabitin ang lalaki.

Batay sa pagtatanong nga mga pulis sa mga biyenan at hipag ng biktima, bago ang insidente, pumunta siya sa isang tindahan at bumili ng dalawang bote ng alak.

Hinayaan na lamang nila ito, ngunit pagpasok ng biyenan na lalaki ay nakita niya na nakabitin ang biktima sa kisame ng kanilang sala.

Ayon sa biyenan, walang kasama ang kanyang manugang sa loob ng bahay dahil nagbabantay sila sa kanilang tindahan na may kalayuan sa bahay.

Nabatid na nasa ibayong dagat ang asawa ng biktima at matagal na umanong hindi umuuwi.

Sinabi ng mga biyenan, na madalas naman umano na nag-uusap sa cellphone ang mag-asawa, subalit hindi nila alam kung mayroon silang hindi pagkakaunawaan dahil wala namang sinasabi ang kanilang manugang.