LA Santos admits being rejected by Kira Balinger

Inamin ni LA Santos na binasted siya ni Kira Balinger, ang leading lady niya sa pelikulang Maple Leaf Dreams.

“Nabasted na po ako, e,” medyo naiilang na pahayag ni LA.

“We really try our best po na maabot yung pangarap namin pareho. Siguro, someday, why not?

“Sa ngayon po, talagang mas focus kami sa career.”

Nakapanayam ng entertainment reporters si LA sa presscon ng Maple Leaf Dreams, na ginanap sa Mesa Restaurant sa Tomas Morato, Quezon City, noong Lunes, August 26, 2024.

Noon lamang August 8, ibinahagi ni LA sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na nagkaroon siya ng pagkakataong manligaw kay Kira nang mag-shooting sila ng pelikula sa Canada sa loob ng labinlimang araw.

Inilihim lang pala niya noong bigo siyang mapasagot ang dalaga.

Sa presscon proper nitong August 26, hindi rin kaagad umamin si Kira na binasted niya si LA.

Nang tanungin kung posibleng maging sila, sagot ni Kira: “Ang hirap po kasing magsalita ng tapos nowadays.

“Life is filled with so many mysteries and surprises so mahirap po talagang magsalita ng tapos.

“Si LA napakabait niya. Ang pogi niya rin, tingnan niyo naman.

“Let’s just see where life takes us, pero sa ngayon, kami ni LA, we’re so happy as friends.”

Nagtanong pa si Kira sa press kung boto ba ang mga ito kay LA para sa kanya.

LA SANTOS ACCEPTS KIRA BALINGER’S REJECTION

Pero pagkatapos ng mediacon, nakorner sila ng entertainment press at muling inusisa ang kanilang ugnayan.

Dito na nga napaamin sina LA at Kira na magkaibigan lang talaga sila.

Bakit nagpa-survey pa si Kira kung boto ang press kay LA?

“Eme eme lang, baka gusto niyo lang,” diretsahan nang sagot ni Kira.

Tinanong din si LA na noong huling presscon ay nagsabi pa siyang crush pa rin niya si Kira.

“Yes, alam naman din po ni Kira yun,” sabi ni LA.

Dagdag ng binata, matagal nang nangyari ang pambabasted sa kanya ni Kira.

Hindi raw niya pinersonal ito.

Paliwanag ni LA: “Pareho naman kaming aware na hindi naman talaga puwede pa muna, tsaka pareho naman kaming may hinahabol na pangarap.

“Kaya ako, personally, ginawa ko na lang yung part ko. Na siyempre may mga bagay na ganun na hindi pupuwede talaga.

“May mga bagay na mahirap mangyari, pero at the same time, malaking bagay yung nandiyan ka pa rin para sa isang tao na talagang nakikita mong isang tunay na kaibigan para sa yo.”

KIRA BALINGER WANTS TO FOCUS ON WORK

Nang usisain si Kira, nagbigay siya ng dahilan kung bakit hindi niya sinagot si LA.

Aniya, “Kung bakit, siyempre I’m very career-driven and siyempre siya rin bilang baguhan.

“Bilang siya mas bago siya, gusto ko rin na mag-focus siya sa pangarap niya, sa career.”

Patuloy ni LA, “We are still really close friends. Tsaka sorry, ganito lang talaga kami magbiruan. Pero kami ni Kira, mas inuuna namin talaga [ang work].”

Hindi ba puwedeng pagsabayin ang career at love life?

Sagot ni Kira: “Ang hirap po kasi. Kunyari tayo, tapos nag-away tayo, and kailangan naming magganyan-ganyan sa set habang magkaaway, kami lang din po yung mahihirapan.

“E, di ba, ganun naman yung mga actors, kung kailangan niyo talaga kahit na meron kayong LQ.

“Yes, responsibility. Pero as much as possible, kung kaya po naming gawing mas madali yung trabaho, yun po yung gagawin namin.”

Tumatanggap ba siya ng ibang manliligaw?

“Sa ngayon, no,” sagot ni Kira.

Dagdag ng aktres, “I’m enjoying being a single girl, I’m enjoying my career, and friends. So, marami pang time for that.”

Ang Maple Leaf Dreams ay official entry sa Sinag Maynila Film Festival 2024, na gaganapin mula September 4-8.

Si Benedict Mique ang director. Iprinodyus ito ng 7K Entertainment PH, ang line producer ay Lonewolf Films, at distributor ang Quantum Films.