La Niña mararansan sa pagitan ng Setyembre at Nobyembre – PAGASA
Malaki aniya ang posibilidad na ang La Niña phenomenon sa bansa ay maaaring magsimula sa pagitan ng Setyembre at Nobyembre ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon kay PAGASA weather specialist Joanne Mae Adelino, sa panahong ito ay nasa 71% chance at inaasahang magtutuloy-tuloy ito hanggang sa first quarter ng 2025 o sa panahong ng January, February, at March.
Nauna rito noong Hulyo, itinaas ng PAGASA ang La Niña alert na may 70% na posibilidad na maaari itong magsimula sa pagitan ng Agosto hanggang Oktubre.
Ayon sa state weather bureau, ang La Niña phenomenon ay kapag mayroong paglamig ng temperatura sa ibabaw ng dagat sa gitna at silangang equatorial Pacific Ocean.
Ito ay nangyayari tuwing dalawa hanggang tatlong taon at ang tagal nito ay karaniwang tumatagal ng isa hanggang tatlong taon.
Kaugnay nito sinabi ni Ana Liza Solis, PAGASA Assistant Weather Services Chief na ang sunud-sunod na tropical cyclones ay mga maagang senyales ng epekto ng La Niña.
Noong Setyembre, pumasok ang Severe Tropical Storm Enteng sa Philippine Area of Responsibility (PAR) na sinundan ng Tropical Storm Ferdie, Tropical Depression Gener, Tropical Storm Helen, at Tropical Depression Igme.
Kaugnay nito muli namang iginiit ni Solis na inaasahang papasok sa bansa ang mahinang La Niña.
Gayunpaman, sinabi niya na huwag maliitin ito.
Sinabi ni Solis na ang dalawang posibleng epekto ng La Niña ay ang paglakas ng hangin at mas maraming pag-ulan.