Kristel Fulgar proud virgin bride

Ipinagmamalaki ng actress/singer/vlogger na si Kristel Fulgar na sabihing sa edad na 30 ay virgin pa siya.

Ito’y matapos ipangako sa sarili na ibibigay lang niya ang kanyang virginity sa taong mamahalin at pakakasalan niya.

Sa panayam ni Toni Gonzaga kay Kristel, na in-upload sa YouTube nitong Linggo, May 18, 2025, napag-usapan ang tungkol sa pagpapakasal ni Kristel sa una niyang boyfriend na siya ring pinakasalan niya—ang Koreanong si Ha Su Hyuk, 40.

Ikinasal si Kristel kay Ha Su Hyuk sa Seoul, South Korea, noong May 10.

Sa nasabing panayam, ipinagtapat din ni Kristel na pinanatili niya ang kanyang virginity hanggang sa maikasal sila ni Ha Su Hyuk.

Kristel Fulgar proud to remain virgin until marriage
Kristel Fulgar and Ha Su Hyuk are now officially husband and wife. The couple exchanged “I do’s” in South Korea on May 10, 2025.

Photo/s: Nice Print Photo on Instagram

Ayon pa kay Kristel, nang ma-engage siya kay Ha Su Hyuk noong February 28 ay doon pa lamang nangyari ang kanyang first kiss.

“Actually, proud po ako doon, kasi hindi madali,” pagtukoy ni Kristel sa pagiging virgin.

“Gusto ko kasing i-reserve yung sarili ko buong-buo para sa kanya, para sa future husband ko,” saad ng aktres.

Kristel Fulgar engagement

Actress, singer, at vlogger Kristel Fulgar announces engagement to Ha Su Hyuk via her YouTube vlog.

KRISTEL ON knowing her Korean husband IS “The One”

Very proud din si Kristel na sabihing si Ha Su Hyuk ang kauna-unahan niyang boyfriend.

Noon pa man ay pangarap na raw ni Kristel na mapangasawa ang una niyang magiging nobyo.

Bagamat kilala si Kristel na aktres at singer, kailanman ay hindi raw niya pinangarap magkaroon ng karelasyon sa kagaya niyang nasa mundo ng showbiz.

Aniya: “Pangarap ko po yon, first and last boyfriend ko. Bihira po yon sa panahon ngayon, ha.

“Hindi ako nag-date ng early years ko…

“Hindi ko rin naman pinangarap na ang mapapangasawa ko is nasa showbiz.

“Kahit dati pa, hindi ko gusto na parehas kaming public figure.

“Siguro bata pa lang kasi rin ako, alam ko na kung ano yung gusto ko.”

Matagal daw niligawan ni Ha Su Hyuk si Kristel, sa kabila na hindi ganoon ang paniniwala at tradisyon ng Koreans pagdating sa pakikipagrelasyon.

Saad ni Kristel: “Yun nga yung na-appreciate ko sa kanya kasi classic type of man siya.

“Ayaw din po niya yung modern style of dating sa Korea.

“Gusto niya slow burn din. Gusto niya patient pa rin ang love.

“Sobrang na-appreciate niya yung values ko mayroon ako.

“First and last ko, gusto ko ganun. Super patient siya, as in willing to wait talaga.”

Sundot na tanong ni Toni, “Paano mo nalaman na siya na yung the one?”

Mabilis na sagot ni Kristel: “Noong naging willing siya to convert to my religion, INC [Iglesia ni Cristo].

“Medyo naging mahaba rin po yung process. Hindi ko siya sinasagot—11 months yata inabot.

“Sa mga Bible studies, lagi siyang present.

“Mayroon din kaming tinatawag na pagsubok na kailangan mong um-attend nang sunud-sunod, parang ganun, pero wala siyang mintis po doon.

“Effort po talaga. Kahit wala ako sa Korea, tuluy-tuloy lang siyang pumupunta sa church na mag-isa.”

Wala raw pamimilit na ginawa si Kristel kay Ha Su Hyuk nang magpa-convert ito ng relihiyon.

Kusang-loob daw itong desisyon ni Ha Su Hyuk dahil sa pagmamahal niya sa Diyos at kay Kristel.

Sabi ni Kristel: “Isa sa mga reasons bakit siya naniniwala kay God kasi naniniwala siya na gift ako from God.

“And ako, naniniwala rin ako na gift siya ni God sa akin.

“Nililigawan pa lang niya ako, sinasabi na niya na gusto niya akong pakasalan.

“Pinapakilala na niya ako sa friends niya, na-meet ko na yung family niya.

“Super unlikely po yon sa mga Koreans na ipakilala mo unless pakasalan mo na.”

Sa huli, sinabi ni Kristel na wala siyang pinagsisisihan na matagal siyang naging single hanggang sa makilala niya si Ha Su Hyuk

Aniya, “May right timing po talaga.

“Kasi naisip ko rin, kung dumating siya nang maaga sa life ko, baka may mga hindi pa ako nade-develop sa sarili ko na magiging dahilan kung bakit hindi kami magkakatuluyan.”

Source: Kristel Fulgar proud virgin bride