Kris Aquino Muling Naging Biktima Sa Balitang, Namayapa Na Siya Ng Tuluyan


 

Muling naging biktima ng maling balita si Kris Aquino matapos kumalat ang panibagong death hoax na nagsasabing siya ay pumanaw na. Sa gitna ng pag-aalala ng kanyang mga tagasuporta, agad namang nilinaw ng malapit niyang kaibigan at dating showbiz journalist na si Dindo Balares ang tunay na kalagayan ng tinaguriang “Queen of All Media.”

Sa pamamagitan ng kanyang social media post nitong Huwebes, Mayo 29, tiniyak ni Dindo sa publiko na buhay na buhay pa si Kris at kasalukuyang namumuhay sa isang pribadong beach resort. Ayon sa kanya, patuloy ang pag-aalaga ni Kris sa kanyang kalusugan habang nananatili sa isang lugar na tahimik at malayo sa gulo ng social media at publiko.

“SA BEACH po nakatira si Kris Aquino. ‘Yan ang latest update para sa mga nagmamahal, nag-aalala, at patuloy na nagdarasal para sa kanyang kalusugan.”

Dagdag pa niya, “Marami uli ang worried dahil hindi napapagod ang mga gumagawa ng fake news tungkol sa kalagayan ni Kris.” 

Ani Dindo, tila ba tuwing tumatahimik si Kris sa social media ay nagkakaroon ng puwang ang mga mapanirang impormasyon na sinasamantala ang kawalan ng update mula mismo sa aktres.

Hindi na ito ang unang pagkakataon na napagbintangan o naiulat nang mali ang tungkol sa kalusugan ni Kris Aquino. Sa nakaraan, ilang beses na ring kumalat online ang mga maling balita hinggil sa kanyang umano’y pagkamatay, dahilan upang magdulot ito ng kalituhan at pangamba sa kanyang mga tagahanga at mahal sa buhay.

Si Kris, na kilala sa kanyang pagiging prangka at bukas sa publiko, ay matagal nang huminto sa mainstream media upang ituon ang pansin sa kanyang personal na kalusugan. Alam ng marami na kasalukuyan siyang lumalaban sa ilang autoimmune diseases, na dahilan kung bakit siya naninirahan sa ibang bansa para sa mas maayos na gamutan at tahimik na pamumuhay.

Sa kabila ng kanyang pagiging low-profile nitong mga nakaraang buwan, hindi pa rin siya tinatantanan ng mga fake news peddlers na tila ba ginagawa pang libangan ang pagpapakalat ng maling impormasyon. Dahil dito, nananawagan si Dindo Balares sa publiko na maging mas mapanuri sa mga impormasyong nakikita sa social media at iwasang mag-share ng balitang hindi beripikado.

“‘Nakita ko lang sa Facebook. Sabi ni Kris Aquino ‘kritikal na po ako’. ‘Tapos may nagpost: ‘she stopped fighting’. In coma ba siya?’” paalala ni Dindo. 

“Kung ang friend ko nga na media veteran muntik pang mapaniwala ng fake news, e, di lalo na ang netizens.” 

Samantala, marami namang netizens ang nagpahayag ng kanilang suporta at panalangin para kay Kris. Sa kabila ng mga balitang lumalabas, nananatili silang positibo na makakabawi si Kris sa kanyang mga iniindang karamdaman. Ayon sa mga tagasuporta, hindi dapat tuldukan ang isang tao nang basta-basta lalo na kung siya ay patuloy na lumalaban sa kanyang personal na laban.

Sa panahon ngayon kung saan mabilis kumalat ang impormasyon—totoo man o hindi—mahalaga ang pagrespeto sa pribadong buhay ng sinuman, lalo na ng isang tulad ni Kris na ilang dekada na ring nagbigay ng aliw at inspirasyon sa maraming Pilipino. Sa halip na pag-usapan ang mga pekeng balita, mas makabubuting ipanalangin na lang ang kanyang paggaling at kapayapaan ng isip.

Source: Kris Aquino Muling Naging Biktima Sa Balitang, Namayapa Na Siya Ng Tuluyan