Kim Chiu recognized at Seoul International Drama Awards 2024
Lubos ang saya ni Kim Chiu sa pagkapanalo niya bilang Most Outstanding Asian Star sa Seoul International Drama Awards 2024.
Si Paulo Avelino ang isa sa mga artistang nanguna sa pag-congratulate kay Kim.
Si Paulo ang leading man ni Kim sa teleseryeng Linlang, at siya ring napababalitang pinakamalapit sa puso ng aktres sa ngayon.
Ngayong Miyerkules, September 25, 2024, ginanap ang Seoul International Drama Awards 2024 sa KBS Hall sa Yeouido, Seoul, Souh Korea.
Sa kanyang Instagram post, ibinahagi ni Kim ang kanyang mensahe sa natanggap na pagkilala ng award-giving body sa South Korea.
Pahayag ni Kim: “I’m in absolute disbelief and beyond grateful to attend this kind of international award-giving body.
“It feels surreal, like a dream I haven’t quite woken up from.
“I want to extend my deepest thanks to everyone who believed in me, supported me, and helped make this possible.
“This moment is something I will cherish forever.”
Sa isa pa niyang IG post, nagbigay-pugay si Kim sa ABS-CBN at co-stars niya sa teleseryeng Linlang, na naging daan para maparangalan siya sa Seoul International Drama Awards 2024.
“Honored to represent the Philippines on this incredible stage! Thank you AbsCbn, @starmagicphils, @dreamscapeph #Linlang family and to all my supporters,” ani Kim.
Suportado si Kim ni Laurenti Dyogi, ABS-CBN head of production and head of Star Magic, ang talent management arm ng ABS-CBN.
Na-appreciate ni Kim na kahit puyat si Dyogi ay game itong samahan siya sa South Korea.
Proud na sinabi naman ni Dyogi na “first international award” ni Kim ang parangal mula sa Seoul International Drama Awards 2024.
Kilig na napatili si Kim, na maituturing na anak-anakan ni Dyogi mula nang madiskubre at manalo si Kim sa Pinoy Big Brother Teen Edition 1 noong 2006.
Kasama si Kim sa mga nangungunang Best Bets ni Laurenti at ng Star Magic para sa taong 2024, base sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong May 2024.
KIM CHIU AND HER CO-NOMINEES
Una nang naiulat ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang ibang mga nominado sa Most Outstanding Asian Star award.
Kabilang dito sina Paulo Avelino (Linlang), Nadine Lustre (Road Killers), Bea Alonzo (Love Before Sunrise), Rhian Ramos (Royal Blood), Krissha Viaje (Safe Skies Archer), at Jerome Ponce (Road Killers/Safe Skies Archer).
Nominado rin sina Dingdong Dantes (Royal Blood), Jane Oineza (Cattleya Killer), Dennis Trillo (Love Before Sunrise), Andrea Torres (Love Before Sunrise), Arjo Atayde (Cattleya Killer), Bodjie Pascua (Road Killers), at Sid Lucero (Love Before Sunrise).
Nagwagi si Kim matapos makakuha ng pinakamataas na boto sa online poll via IdolChamp App, dagdag sa report.
Si Kathryn Bernardo ang huling pinarangalan ng parehong award noong 2023.
KIM CHIU THRILLED OVER BILLBOARD IN SOUTH KOREA
Isa pang kinakilig nang husto ni Kim ay ang pagkakaroon ng billboard sa Seoul.
Sa kanyang Instagram Story, makikitang masiglang tumawid si Kim sa kalsada habang itinuturo ang digital billboard sa isang mataas na gusali.
Makikita roon ang ilang kuha ni Kim sa hit teleserye niyang Linlang.
Pinasalamatan niya ang kanyang fan group, ang @teamkcg sa Instagram, na nagpagawa ng billboard.
Saad sa caption ni Kim: “5mins before its gone! Naabutan ko sha! [teary-eyed emoji] thank you @teamkcg fam! [heart emojis] love you all so much!!!”