Keempee de Leon reconciles with mom Daria Ramirez after two years
Hindi lang sa kanyang amang si Joey de Leon nakipag-ayos si Keempee de Leon noong 2024, kundi pati sa inang si Daria Ramirez.
Si Daria ay veteran actress na dating asawa ni Joey.
Bukod kay Keempee, anak din nila si Cheenee de Leon na dati ring naging artista.
Paliwanag ni Keempee, may dalawang taon silang hindi nagkita ng kanyang ina.
Hindi idinetalye ni Keempee kung ano ang dahilan ng naging hidwaan nilang mag-ina.
“Two years kaming hindi nagkita… Nakita ko na lang siya, interview niya kay Ogie [Diaz],” sabi ni Keempee, pagtukoy sa YouTube interview kay Daria noong October 2023.
Sabi pa ni Keempee ukol sa ina, “Nawala yung communication namin. Hindi ko nga alam kung binlock nga niya ako.”
Lahad pa ng aktor, may mga taga-network at production people na lumalapit sa kanya para itanong kung paano makipag-ugnayan sa kanyang ina para sa TV and movie projects.
“Sabi ko, ‘Sayang, trabaho ‘to.’ I tried to look for her sa Facebook, wala. ‘Naka-block ba ako o ano?’”
Kung hindi pa raw na-interview ni Ogie si Daria noong 2023 ay hindi pa niya ito makikita.
“So, hindi namin alam, nasira pala yung phone niya. Twice siyang nasiraan ng phone, kesyo na-hack daw,” lahad ni Keempee.
Nakausap ng PEP.ph (Phulippine Entertainment Portal) si Keempee sa presscon ng Prinsesa ng City Jail, ang upcoming Kapuso afternoon teleserye kung saan kabilang si Keempee, noong January 7, 2025.
Pinagbibidahan nina Sofia Pablo at Allen Ansay, mapapanood ang Prinsesa ng City Jail simula sa January 13.
KEEMPEE FINDS MOM DARIA ON FACEBOOK
Pagpapatuloy ng kuwento ni Keempee, nakita ng kanyang pamangkin si Daria sa pamamamgitan ng social media at doon nila ito na-contact.
Lumabas daw sa Facebook post ng kanyang pamangkin si Daria sa “People you may know.”
Ayon kay Keempee, “Nagkataon yung ganon, yung pamangkin ko, si Sofia, anak ni Cheenee, nakita niya mommy ko… Lydia de Leon…
“So, in-add niya. So, nahanap niya. Sabi niya, ‘Tatay…’ Tatay tawag sa akin nun… ‘nahanap ko si Lala.’”
Nagtanong daw si Keempee at ikinuwento ng pamangkin kung paano nito natagpuan ang kanyang lola sa social media.
Bago raw ang Facebook account ni Daria.
“Siguro after lang a week, ayun na, talagang nag-meet up kami nung Christmas. Sinadya na lang namin, in-invite ni Cheenee sa bahay niya.”
Kinumbinsi raw ni Keempee ang kanyang kapatid na papuntahin sa bahay nito ang kanilang ina.
“Kaswal lang. Nagkuwentuhan kami. Parang walang nangyari.
“Pero sa akin, hindi magiging plantsado hangga’t hindi ko naririnig kung anong nangyari… Gusto ko may clarity,” saad niya.
Hindi idinetalye ni Keempee kung ano ang gusto niyang maayos, at ano ang nangangailangan ng clarity.
Pero sa sumunod niyang pahayag, mahihinuhang tila may mga nasabi ang ina na posibleng naging dahilan ng hidwaan nito sa mga anak.
Pagpapatuloy ni Keempee, “Nung hinatid ko na siya, dun lang talaga kami nakapag-usap.
“‘Alam ko yung pagkakamali ko,’ sabi niya. Na, ‘hindi dapat yung mga nasabi ko kasi…’ Bugso daw ng damdamin niya.
“Sabi ko, ‘Okay na ‘yon, ‘My, tapos na yon. Kalimutan mo na. Move on na tayo. Kasi kung magdu-dwell lang tayo sa past, hindi tayo makakapag-move on.’”
Ibinahagi raw ni Keempee sa ina ang kanyang mga natutunan sa pagiging born-again Christian. Nakatulong daw ito para makipag-ayos sa mga nakaalitan.
“Sabi ko, ‘Yun ang natutunan ko… na magpatawad, humility. Pasa-Diyos mo nang lahat. Kung ano ang maging plano ng Diyos, yun na lang sundin natin.’
“After that, naging okay na. Nagtuluy-tuloy yung sa pamilya namin na maging maayos.”
Nasambit ni Keempee na naging masaya ang Pasko at Bagong Taon para sa kanilang pamilya dahil nagkaayos-ayos sila.
“It’s about yung reconciliation,” sabi pa ng aktor.
Kagaya sa kanyang amang si Joey, sinabi ni Keempee na nagmi-message na rin siya sa ina.
“Si Mommy, nakakatuwa. Nagbabasa ulit ng Bible. Iba na rin ang outlook niya,” banggit pa niya.
May mga pagkakataon daw na bumabalik pa rin sa alaala ng ina ang naging pag-aaway nila, subalit pinapaalalahanan daw ito ni Keempee na “look for the brighter side.”
Sundot pa ni Keempee ukol sa mga magulang, “May edad na mga magulang [ko]. Medyo hirap sila mag-cope kung sila pa gagawa [ng pag-aayos].
“Trabaho ko na ‘to. Ako na magri-reach out sa kanila.
“Ako na ang magpaparamdam na mahal ko sila sa araw-araw, na pag-usapan ang mga bagay kung kinakailangan.”