Kampo Ni Rep. Albee Benitez, Itinananggi Alegasyon Ng Kaniyang Estranged Wife Sa Kanila ni Ivana Alawi


 Nagbigay ng opisyal na pahayag ang kampo ni Albee Benitez, kasalukuyang kinatawan ng nag-iisang distrito ng Bacolod at dating alkalde ng lungsod, ukol sa mga seryosong akusasyong ibinabato sa kanya ng kanyang hiwalay na asawa na si Dominique “Nikki” Lopez Benitez.

Ayon sa mga dokumentong kumakalat sa social media, nagsampa si Nikki ng reklamo laban kay Benitez dahil umano sa paglabag sa Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act. Inakusahan niya ang dating alkalde ng pang-aabuso sa anyo ng emosyonal at sikolohikal na pananakit, na aniya’y dulot ng mga diumano’y extramarital affairs nito, kabilang ang pagkakaugnay umano kay Kapamilya actress at vlogger na si Ivana Alawi.

Gayunpaman, agad itong pinabulaanan ng kampo ni Benitez sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Peter Sanchez. Ayon sa abogado, halata umano na may malisya ang pagkakasampa ng kaso dahil isinampa ito matapos simulan ni Benitez ang proseso ng pagpapawalang-bisa ng kanilang kasal noong 2024.

“This case was filed shortly after Mayor Benitez initiated annulment proceedings in 2024, raising serious doubts about the complainant’s motives. The VAWC complaint hinges on allegations dating back as far as 21 years ago,”  pahayag ni Atty. Sanchez. Dagdag pa niya, ang mga akusasyon ay nakabase sa mga pangyayaring sinasabing naganap mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas.

Ipinaliwanag din ng abogado ang tungkol sa mga ari-arian ng mag-asawa. Aniya, lahat ng mga pag-aari tulad ng mga bahay sa Forbes Park at Dasmariñas Village, mga mamahaling sasakyan, condo units, at shares of stocks ay binili at pinondohan ng kanyang kliyente gamit ang sariling pera. Gayunpaman, nakapangalan daw ang mga ito kay Nikki Lopez-Benitez.

Bukod pa rito, kahit pa noong 2004 ay may judicial na paghahati na ng kanilang mga ari-arian, patuloy pa rin umanong nagbibigay si Benitez ng marangyang suporta para sa dating asawa. Hindi umano ito karaniwang sustento lamang, kundi isang “mataas na pamantayan ng pamumuhay.”

Binatikos din ng abogado ang pagdadawit sa pangalan ng ibang tao, partikular kay Ivana Alawi. Aniya, hindi makatwiran ang pagsasangkot sa mga indibidwal na wala namang kinalaman sa legal na isyu.

“It is equally unsettling that a third party has been unnecessarily dragged into this private matter. The mention of individuals unrelated to the merits of the case only serves to divert attention and inflame public sentiment in the complainant’s favor,” saad pa ni Sanchez.

Nanindigan din ang kampo ni Benitez na handa silang harapin ang anumang legal na proseso. Buo umano ang tiwala ni Benitez na lalabas ang katotohanan at mapapawalang-bisa ang mga paratang laban sa kanya.

Sa panawagan ng abogado, hinikayat niya ang publiko at ang media na hayaang ang korte ang humusga sa kaso, at huwag itong gawing sentro ng intriga o haka-haka sa social media.

Matatandaang naging laman din ng mga balita sina Benitez at Ivana Alawi noong 2024 matapos silang maispatan sa Japan, ngunit kapwa nila pinabulaanan ang anumang romantikong ugnayan.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon at inaabangan ng publiko kung ano ang magiging resulta ng usaping legal na ito. Sa kabila ng kontrobersiya, iginiit ng kampo ni Benitez na wala siyang nilabag na batas at nananatili siyang tapat sa katotohanan.

Source: Kampo Ni Rep. Albee Benitez, Itinananggi Alegasyon Ng Kaniyang Estranged Wife Sa Kanila ni Ivana Alawi