Joshua Garcia, Julia Barretto talk about past relationship

Inamin ni Joshua Garcia, 26, na sobrang seloso siya noong magkasintahan pa sila ni Julia Barretto, 27.

Tumagal ng dalawang taon ang kanilang relasyon noon.

“Ako yun,” sagot ni Joshua nang tanungin sa PEP Live kung seloso siya.

Tanong ni Julia kay Joshua, “Really? Until now?”

Paglilinaw ni Joshua, “Depende sa sitwasyon. Pero di na ako tulad ng dati.

“Dati kasi konting kibot selos na ako. Tsaka atensiyon pa lang, kahit sino makausap, di ba?”

Sobrang tutok daw kasi ni Joshua kay Julia noon na parang “may sarili kaming mundo.”

“Yeah,” sang-ayon ni Julia.

Ngayon ay hindi na raw madali magselos si Joshua.

“Dati lahat. Pati cute na selos, selos talaga,” pag-amin ni Joshua.

Joshua Garcia and Julia Barretto talk about past relationship

Photo/s: @garciajoshuae Instagram

Sa kaso ni Julia, hindi na raw siya selosa ngayon.

“Kasi nung time with him, parehas kami,” ani Julia.

Naniniwala si Julia na bahagi iyon ng kabataan nila ni Joshua.

Sabi ng aktres, “Pero at least na-experience natin yun. It’s really part of growing up and learning how to be a better partner.

“Pero now, feeling ko, di siya nakaka-pretty, e.”

Sang-ayon ni Joshua, “Cute siya pag mga bata kayo. Pag age natin di na siya cute.”

Dagdag ni Julia, “Now, ang naba-value ko, gusto mo iparamdam sa mga tao na pinagkakatiwaalan mo na, ‘Pinagkakatiwaalaan kita. Pahalagahaan mo yun.'”

Aminado naman si Julia na hindi totally maaalis ang pagseselos sa isang relasyon.

“Tao tayo. Human nature ma-feel mga ganung bagay. It’s really just how you react.”

Natuto raw talaga sina Joshua at Julia sa karanasan nila noong magkarelasyon sila.

Napangiting sabi naman ni Julia, “big sabihin, gusto niya lang talaga ako para sa kanya. Ganun lang siya babalikan.”

JOSHUA garcia “GALANTE” according to Julia Barretto

Binuking naman ni Julia na galante si Joshua sa set ng pelikula nilang Un/Happy For You.

“Ito, araw-araw may pakain,” tukoy ni Julia kay Joshua.

Natatawang awat ni Joshua, “Wag mo sabihin, magseselos mga taga-It’s Okay Not To Be Okay.”

May ongoing taping si Joshua para sa Pinoy adaptation ng K-drama na It’s Okay Not To Be Okay, kunsaan katambal niya si Anne Curtis.

Katuwiran naman ni Julia, “E, kasi marami pa kayong cycle.”

Ibinahagi ni Joshua na nagpa-cater siya ng kinalas noong nag-shoot ang Un/Happy For You team sa Naga.

Ang kinalas ay Filipino noodle dish na specialty sa Naga City sa Bicol region.

Ani Joshua, “Since mahilig ako sa noodles. First time ko makatikim sa Naga. Nung nagpakain si Madam Leni [Robredo].

“Kinuha ko yung contact number para siyempre pakain din ako sa next shoot.”

JOSHUA GARCIA AND JULIA BARRETTO ON GETTING BACK WITH AN EX

Natanong din sina Joshua at Julia kung sila ba ang tipong nakikipagbalikan sa ex.

Pareho silang sumagot na sa dating history nila ay hindi pa iyon nangyayari.

Hirit ni Joshua, “Malay mo! Pero so far, hindi kami yun.”

Segundang biro din ni Julia, “Malay mo!”

Natawa si Julia dahil kinilig ang mga nanonood sa PEP headquarters nang magbiruan sila ng ganun.

Pero seryoso rin nilang sinagot ang tanong kung bakit hindi sila nakikipagbalikan sa ex.

Paliwanag ni Joshua: “Unang-una, bigyan mo ng respeto sa sarili.

“Tsaka depende sa pinag-awayan niyo at kung ano dahilan ng paghihiwalay niyo, di ba? So, di ko rin masabi.

“Pero sa amin, so far, di pa. Hindi pa sa ngayon.”

Binanggit naman ni Julia na posible naman mangyari yun sa ibang couples.

“Pero respeto rin sa people na may love story na nag-prosper yung second chance ng relationship.

“Meron din mga ganun na sila pa nag-end up marrying each other when they give it the second time around.

“It’s really different for everyone—yung forgiveness, the openess. Magtitiwala ka talaga ulit na di mo na ako sasaktan ulit.”

THANKFUL TO EACH OTHER

Bakas kina Joshua at Julia na naging maganda ang karanasan nila sa kanilang pagbabalik-tambalan sa pelikula.

Sinabi ni Joshua na naramdaman niyang hindi nagbago ang pakikitungo sa kanya ni Julia kahit hindi na sila.

“Nandun pa rin yung pagiging makulit niya. Pagiging masayahin niya. Pagpapasaya niya sa akin sa set.”

Nagpasalamat si Joshua na naging magaan ang trabaho nilang dalawa.

“Nagiging clown yan minsan. Nagta-transform siya. Maalaga siya sa akin,” saad ni Joshua.

Nagpasalamat din si Julia kay Joshua.

“I’m grateful because, one, siyempre just your openness throughout this whole experience.

“Nakita ko yung grabe nung level ng pagka… sobrang gentle mo lang sa akin all throughout.

“Yung process and hardship na napagdaanan natin in making this movie. You really didn’t give up on me.”

Nagtulungan daw kasi sila sa mga challenging na eksena sa pelikula.

“Dagdag ni Julia, “Lalo na sa tough moments. Di ka sumuko sa akin. Talagang pinush mo ako.

“Thank you sa kape, sa breakfast, lunch, dinner. Thank you for your generosity, honesty and openness.”