Jerry Sineneng sees Jolina-Marvin in Sofia-Allen loveteam

Nakilala si Direk Jerry Lopez Sineneng sa pagdirek ng hit romantic-comedy movies of the ’90s ng loveteam nina Jolina Magdangal at Marvin Agustin.

Kabilang dito ang Flames: The Movie (1997), Labs Kita… Okey Ka Lang? (1998), at Kung Ayaw Mo, Huwag Mo (1998). Nadirek din niya ang dalawa sa 2000-2001 series na Labs Ko Si Babe.

Jolina Magdangal, Marvin Agustin
Jolina Magdangal and Marvin Agustin in scene from their 1999 ABS-CBN series Labs Ko Si Babes.

Photo/s: Screenshot from Labs Ko Si Babe

ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓


Ngayon ay nabigyan ng pagkakataon na maidirek ni Jerry ang Gen Z loveteam nina Sofia Pablo at Allen Ansay sa GMA Afternoon Prime series na Prinsesa Ng City Jail.

Sa naganap na media conference ng naturang teleserye noong January 7, 2025, sa Studio 7 ng GMA Annex Studio, inamin ni Direk Jerry na parang dinidirek niya ulit sina Jolina at Marvin sa katauhan ng AlFia loveteam or Team Jolly nina Allen at Sofia.

“Ramdam ko agad yung chemistry nilang dalawa, parang Marvin-Jolina din. ‘Tapos match na match yung kanilang talento and yung support system. If it’s Sofia’s scene, he’ll give it to her. If it’s Allen’s scene, she’ll give it to him.

“With Allen, he reminds me so much of Marvin. Pareho ang humble beginnings nila. Si Marvin, alam natin lahat kung paano siya nagsimula, yung sipag at dedication niya sa trabaho.

“Ngayon isa na siya sa pinakamayaman sa batch niya because he worked hard for it. Nakikita kong mangyayari yan kay Allen dahil may drive at committed yung bata.

“With Sofia, to a certain extent, halos pareho rin sila ng personality ni Jolina naman. Kikay kung kikay at may fashion sense.

“But when it comes to work, seryoso and she can really deliver. She was really born to be an actress.

Kaya hindi raw nahirapan si Direk Jerry na makuha ang gusto niyang performance mula sa dalawa. Kaya raw nilang mag-shift from heavy drama to pagpapakilig sa fans.

“Magagaling ang dalawang batang ito. Workshop pa lang namin, na-gauge ko na kung ano ang strength ng isa’t isa. May dedication ang mga bata. There is that yearning to learn and the commitment to drive.

“‘Tapos, nakakatuwa pa sa mga batang ito, kapag sinabi ko, “Mga anak, sa next shoot, mabibigat, so please prepare.’ Makikita mo na wala silang mga dalang phone, nasa standby area sila at nagme-memorize.

“They are very professional. Talagang inaaral nila lahat. Kaya nakakatuwa silang katrabaho. Wala akong naging problema sa kanilang dalawa,” papuri pa niya sa Team Jolly.

The challenge Direk Jerry faced

Since joining the Kapuso Network in 2021, pang-anim na teleserye na ni Direk Jerry ang Prinsesa Ng City Jail after Widows’ Web, StartUp PH, Stolen Life, Love. Die. Repeat, at Widows’ War.

Ayon kay Direk, malaking challenge daw ang mag-shoot sa mga eksena sa loob ng women’s correctional lalo na noong kasagsagan ng heat wave at ang sunud-sunod na mga bagyong dumating.

“We started taping sa city jail noong kasagsagan ng El Niño. Grabe ang init talaga and we have to stop taping for a while dahil doon.

“Noong matapos ang init, sunud-sunod na bagyo naman ang dumating. But we try to make the most out of the situation. Dinadaan na lang namin sa tawa ang lahat.

“To be honest, napaka-uncomfortable to shoot inside kasi nakakabulabog kami sa mga inmates. Mabuti na lang, we were given this new building kunsaan kami nagte-taping. Newly renovated siya at hindi pa siya occupied.

“That was okay because hindi namin masyadong nabubulabog yung mga tao. Pero may iba doon na masaya dahil nakakakita sila ng mga artista.

“We also followed the Eddie Garcia Bill na 16 hours lang ang working hours. We start taping ng 7:00 A.M. at kailangan by 10:00 P.M. ay tapos na kami.”

Direk Jerry on what he learned from his mentor

Ang pagiging organized sa set ay natutunan ni Direk Jerry sa kanyang mentor at tatay-tatayan na si Direk Peque Gallaga na pumanaw noong May 2020.

Nakilala naman si Peque Gallaga dahil sa mga obra maestra nito na Oro, Plata, Mata (1982), Scorpio Nights (1985), Virgin Forest (1985), Unfaithful Wife (1986), Kid Huwag Kang Susuko (1987), Tiyanak (1988), Magic Temple (1996), at Gangland (1998).

Nagtrabaho si Direk Jerry bilang art director, location manager, writer, production designer, at assistant director sa mga pelikula ni Peque na Isang Araw Walang Diyos (1989), Shake, Rattle and Roll 2 (1990), Adventures of Gary Leon at Kuting (1992), Shake, Rattle and Roll IV (1992), Aswang (1992), Dugo Ng Panday (1993), at Darna! Ang Pagbabalik (1994).

“Ang mga natutunan ko kay Peque, number one is the love for the art. For Peque, hindi ito pera. ‘Pag pera-pera lang ang dahilan mo kaya pumasok ka dito, you will not last long.

“Narinig ko na sinasabi niya sa artista ‘pag nagagalit siya. If you’re just here for the money, forget it. Kailangan ay you have love for the industry.

“Number two, yung commitment and discipline. Ang nasabi ni Peque sa akin noon, ‘You know why I come early to the set? I feel the set.’

“Kasi, totoo naman, marami kang maiisip. ‘Pag nakita mo ay pwede kong gawin yung ganito na naisip ko kagabi dito. May time ka to walk around and feel the surroundings.

“Kaya napakaaga ko sa work. Nauuna pa ako kung minsan sa crew. Natutunan ko yan kay Peque.

“Before pa dumating yung first set of actors, naka-set-up na ako. Ayos na yung mga shots ko at saka visually makikita nilang nakapuwesto na ang camera. Ready na yung set.”

Going back to films

Ngayong 2025 din ay babalik sa paggawa ng pelikula ulit si Direk Jerry.

Huling nadirek niyang mga pelikula ay ang comedy na Familia Blondina (2019) at ang drama na Maybe This Time (2014).

“I have a project with Viva written by Ricky Lee. We submitted ito sa sa MMFF, pero hindi nakapasok. The title is A Moment to Remember.

“It’s a beautiful love story and we’re going to do it, hopefully, this year. Secret pa yung cast.”

Nakilala si Direk Jerry na isang box-office director ng mga pelikulang Mara Clara: The Movie (1996), Ang Pulubi At Ang Prinsesa (1997), Soltera (1999), Esperanza: The Movie (1999), Video King (2002), Ngayong Nandito Ka (2003), Otso-Otso Pamela-mela Wan (2004), All About Love (2006), at Way Back Home (2011).