Javi Benitez reacts as parents’ marital issues make headlines

Malaman ang post ni Javier Miguel “Javi” Benitez kaugnay ng marital legal issues ng kanyang mga magulang na sina Bacolod Congressman Alfredo Abelardo “Albee” Benitez at Dominique “Nikki” Benitez.

Si Javi ang isa sa dalawang anak nina Albee at Nikki.

Siya rin ang mayor ng Victorias City, Negros Occidental.

Laman ng mga balita ang isinampang Republic Act (RA) 9262 o Violence Against Women and their Children (VAWC) complaint ni Nikki laban sa estranged husband na si Albee.

Inakusahan ni Nikki ang kongresista ng “infidelity” o pakikiapid.

Pinasinungalingan naman ito ni Albee sa inilabas na official statement ng kanyang legal counsel.

Pinagpiyestahan sa social media ang issue, lalo pa at binanggit ni Nikki sa kumalat niyang sworn affidavit na ang aktres na si Ivana Alawi ang diumano’y karelasyon ngayon ni Albee.

May mga vloggers pang nakisawsaw at nagdagdag ng mga kuwento.

JAVI SPEAKS UP

Idinaan ni Javi ang kanyang reaksiyon sa pamamagitan ng isang Facebook post ngayong Sabado, May 31, 2025.

Bungad ng actor-politician: “Ayoko na sanang magsalita, pero alam kong hindi ko rin ito maiwasan.

“Ang mga totoong nakakaalam ng buong kwento… tahimik lang. Hindi sila nasa balita. Hindi rin sila nagpo-post.”

May pakiusap siya sa kanyang mga magulang na nasa sentro ngayon ng kontrobersiya.

Ani Javi, “Ang hiling ko lang: sana magkaintindihan pa rin ang mga magulang ko, bilang magulang namin ni Bettina, at kung maaari pa, bilang mag-asawa rin.”

Malaman pa niyang pahayag: “Sana balang araw, makahanap din kami ng tamang pag-ibig.

“Yung hindi nasusukat sa pera, status, o panlabas na imahe… kundi sa respeto, lambing, at tunay na partnership sa buhay.”

Hindi na nag-elaborate si Javi ukol sa pahayag niyang ito, subalit mahihinuhang may parunggit ito sa mga naglabasang detalye at pahayag mula sa mga legal camps ng mag-asawa.

Nag-abot ng pasasalamat si Javi sa mga nagpakita ng malasakit sa kanilang pamilya.

Ang post ng 30-year-old mayor: “Gusto ko rin pasalamatan ang lahat ng tahimik na nag-abot ng malasakit: sa message, tawag, o kahit simpleng dasal. Salamat.

“Alam ko, hindi lang kami ang may ganitong sitwasyon pero sana maiayos din sa huli.”

Pakiusap pa ni Javi, “Move on na tayo sa chismis, fake news, at paid drama. Ang dami pa nating kailangang ayusin sa bansa. Doon tayo mag-invest ng energy.

“Sa huli, hindi views, likes, o pera ang sukatan ng tao, kundi ang puso.

“Let’s choose to be kind.”

Kalakip ng post ang kanilang family picture na kuha noong December 2023.

NIKKI VS. ALBEE

Samantala, ayon sa sworn complaint affidavit ni Nikki, nalaman niya ang diumano’y infidelity o pakikiapid ni Albee matapos maghain ng “Petition for Declaration of Nullity of Marriage” ang congressman.

Sinabi ni Nikki na nakasaad daw sa petition ni Albee na nagkaroon ito ng dalawang anak sa ibang babae habang mag-asawa pa sila.

Binanggit din ang “implied admissions of his current illicit relationship with Ivana Alawi.”

Dumanas daw si Nikki ng “mental and emotional anguish” na nag-udyok para maghain siya ng VAWC complaint laban kay Albee.

Sagot naman ni Albee, “baseless and retaliatory” ang mga inilabas na akusasyon sa kanya ng estranged wife.

Idinaan ni Albee ang kanyang official statement sa legal counsel niyang si Atty. Peter Sanchez.

Binanggit ditong matagal nang may hindi pagkakaunawaan ang estranged couple.

May kinalaman daw dito ang multi-million-peso worth of properties and assets na nakapangalan kay Nikki, pero binili raw ni Albee.

Kabilang dito ang mga bahay, lupa, luxury vehicles, condominium units, at publicly listed shares.

Sinabi rin ni Albee na sa kabila ng judicial dissolution of property regime nilang mag-asawa noong 2004, patuloy raw siyang nag-provide ng “high standard of living” sa estranged wife sa sumunod na dalawang dekada.

Binanggit din sa statement ni Albee ang “third party” allegation ni Nikki.

“The mention of individuals unrelated to the merits of the case only serves to divert attention and inflame public sentiment in the complainant’s favor.”

Ang buwelta ng legal counsel ni Albee sa VAWC complaint ni Nikki ay:

“Section 44 of R.A. 9262 explicitly mandates the confidentiality of all proceedings and parties involved.

“The unwarranted disclosure of identities and unverified claims constitutes a clear violation of this provision.”

Handa raw makipagtulungan si Albee para mailabas ang katotohanan at malinis ang kanyang pangalan mula sa mga akusasyon ni Nikki.

Source: Javi Benitez reacts as parents’ marital issues make headlines