Jasmine Curtis-Smith on working with John Lloyd Cruz
Masaya si Jasmine Curtis-Smith na muli siyang naging bahagi ng QCinema International Film Festival.
Kasama sa entries this year ang pelikulang Moneyslapper, na pinagbibidahan nila ni John Lloyd Cruz.
Ang umpisang kuwento ni Jasmine sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Yung nauna namin yung Midnight In A Perfect World,” na ang tinutukoy niya ay ang pelikula kung saan nakasama niya sina Dolly de Leon at Glaiza de Castro.
Dugtong ng Kapuso star, “Kaso lang, nung panahon na iyon, 2020, so online tayo for QCinema.”
Kasagsagan kasi ng pandemya dulot ng COVID-19 noong 2020, kaya ngayong 2024 ang unang beses ni Jasmine na maging parte ng QCinema International Film Festival na face-to-face.
“First time, physical,” bulalas pa ni Jasmine.
“Very happy! Tuwing nagiging parte ng film festival, parang feeling ko isa siyang malaking party for filmmakers.
“Kasi bukod sa nagtatrabaho, naglalaro din. You’re able to explore more and see different risk-takers, e, sa pelikula.”
JASMINE CURTIS-SMITH ON WORKING WITH JOHN LLOYD CRUZ
Unang beses na nagsama sa isang pelikula sina Jasmine at John Lloyd.
“Nag-TV na kami, e, first film.”
Ano ang pakiramdam na maging leading man ang isa sa reliable actors sa Philippine showbiz?
“Whoa! Very, very challenging for me, obviously.
“Na tuwing makaka-work ko yung mga tulad nilang calibre ang level—John Lloyd Cruz, Piolo Pascual—of course, there’s a different range of abilities and skills na ako, I guess dinadaanan ko pa lang, bini-build up ko pa lang, na sila talaga mastered na nila iyan.
“So I’m just grateful kasi kapag nakapares ko sila, ang dami ring natututunan for myself to bring on sa mga susunod ko.
“Na ako na next yung magiging level nila. Yes,” at tumawa si Jasmine.
Humingi ba siya ng advice sa ate niyang si Anne Curtis bilang una nitong nakatrabaho si John Lloyd?
Aniya, “Actually wala naman. Pagdating kasi sa mga trabaho or mga castmates namin, medyo bihira namin talaga pag-usapan yung work.
“As in bihira, e. Tuwing magkasama kami, naka-focus kami sa… ngayon, obviously, meron akong pamangkin sa kanya, talagang family time.”
jasmine curtis-smith on daring role
May love scene sina Jasmine at John Lloyd sa Moneyslapper, kaya naman tinanong ang aktres kung ano ang kanyang pakiramdam habang kinukunan ang maselan na eksena.
“Hmmm, paano ba? I think kasi nung… actually ako, marami akong tanong noon sa love scene namin dito because for me, kakaibang tema, kakaibang storytelling yung ginawa namin dito and hindi siya yung usual love scene na alam ko.
“Or kahit papaano sa tunay na buhay na na-experience mo na klaseng feeling.”
Sinikap ni Jasmine na ipaliwanag ang kanyang ibig sabihin nang hindi nagbibigay ng spoiler sa pelikula.
Aniya, “Kasi ano siya, mas intense siya. May power play na involved, pero at the same time dahil ano din, parang meron kang nilalampasan na linya doon sa role ko, yung role ko parang meron siyang boundary na nilampasan sa ginawa niyang iyon.”
Ito na ba ang most daring role na ginawa ni Jasmine?
“I would say, naku, meron pang mas intense,” pagtukoy pa ni Jasmine sa iba pa niyang eksena sa Moneyslapper.
Mala-VMX?
“Ayyy, grabe naman kayo,” at tumawa si Jasmine.
Papunta na doon?
“Hindi naman po, pero kayo na ang manghusga po.”
Si Jasmine ay gumaganap bilang si Jessa sa Moneysalapper.
Paglalarawan niya sa kanyang role, “Isa siyang very pure and demure na batang babae, dalagita, na makikilala niya yung role ni Daniel, si John Lloyd, and doon po siya magkakaroon ng konting tikim kung ano ba talaga ang nangyayari sa tunay na buhay.
“Ang mga reyalidad sa buhay pagka nakatikim ka ng ginhawa, nagsimula kang magrebelde kasi ang kinalakihan ni Jessa ay dalawang, yung parents niya very… Catholic, missionary sila.
“So iyon yung background niya so medyo magbabago talaga siya.”
Dahil kay John Lloyd o Daniel?
“Inspired by,” sambit ni Jasmine.
Nag-usap ba sila ni John Lloyd before and after the love scene?
“Ang mas nakausap ko si Direk [Bor Ocampo]. Kasi gusto kong maintindihan yung dynamic, ano ba yung gustong makuha ng role ko doon sa kanya as Daniel, doon sa love scene na iyon.”
Napaka-gentleman daw ni John Lloyd nang kunan ang kanilang intimate scene.
“Yes, yes, very much so! Tuwing magka-cut he’s very aware of the scene.”
Ang QCinema 12 ay gaganapin mula Nobyembre 8 to 17, 2024.
Mapapanood ang mga film fest entries sa mga piling sinehan tulad ng Gateway Cineplex 18, Ayala Malls Cinema sa TriNoma, Red Carpet sa Shangri-La Plaza, at Powerplant Mall.
Ang edisyon ng QCinema 2024 ay binubuo ng dalawang main competition sections: ang Asian Next Wave at QCShorts International.
Sa taong ito, mas pinaigting ang QCShorts na tampok ang Southeast Asian films, kasama ang anim na Filipino short film grantees sa kumpetisyon.
Kasama sa line up ng Asian Next ang Don’t Cry Butterfly ni Duong Dieu Linh (Vietnam, Indonesia, Philippines, Singapore), Grand Prize winner sa Venice Critics’ Week; Pierce ni Nelicia Low (Taiwan, Poland, Singapore), Best Director sa katatapos na Karlovy Vary Crystal Globe Competition; at Mistress Dispeller, isang feature documentary ni Elizabeth Lo (China, USA), winner ng NETPAC award for Best Asian Film sa Venice.
Mapapanood din ang Happyend ni Neo Sora (Singapore, UK, USA), Tale of the Land (Indonesia, Philippines, Qatar, Taiwan), winner ng Fipresci prize sa Busan; Viet and Nam ni Truong Minh Quy (Philippines, Vietnam, Singapore, France, Netherlands, Germany, Italy, USA), na itinampok sa Cannes’ Un Certain Regard; at ang Moneyslapper ni Bor Ocampo (Philippines) na magkakaroon ng world premiere.